Monday, January 17, 2011

Coronang Tinik

Mabuti na lang at engineer ang erpat ko at hindi justice sa Supreme Court!!!

Habang umuusad kasi ang panahon ay unti-unting nagiging pabigat ang Mataas na Hukuman para sa taumbayan.

Kaysa kasi makatulong ang tropa ni Chief Justice Reynato Corona para masawata ang korapsyon sa bansa ay tila binabasbasan pa ng mga ito ang patuloy na pagmamalabis sa bansa. Huwag nating kalimutang ang tropa ni Corona ang nagpawalang bisa sa Executive Order No. 1 na bumubuo sa Truth Commission na sana'y mag-iimbestiga sa pagmamalabis ni dating Pang. Gloria Macapagal-Arroyo.



Malinaw na Coronang tinik na ipinataw sa ulo ng taumbayan ang nagiging papel ng Mataas na Hukom.

Isang halimbawa pa nito ay ang status quo ante order na ipinalabas ng Mataas na Hukom ukol sa impeachment case na idinulog ni Risa Hontiveros at mga kasama niya. Si Hontiveros ay dating kinatawan ng Akbayan Party sa Kongreso.

Inutusan ng Supreme Court ang Committee on Justice ng Kongreso na itigil ang impeachment proceeding.

At suntok man sa buwan, naghain ng motion to immediately resolve ang abogado ni Risa at mga kasamahang sina Gen. Danny Lim at mga magulang ni Philip Pestano, ang navy officer na misteryosong namatay ilang taon na nakakaraan nang kanyang ibunyag ang katiwalian sa Philippine Navy.

"Taon ng Rabbit ngayon, at hindi taon ng pagong kaya ang inaasahan namin ay ang matuling desisyon mula sa Korte Suprema," wika ni Risa.

May punto naman si Risa dahil nga ang usapin na idinulog ni Merceditas Gutierrez sa Korte Suprema na naging basehan upang ipatigil ang impeachment case na dinudulog ng Mababang Kapulungan.

At habang tumatagal ang usaping ito ay lumalalim ang pagkakatusok ng mga Coronang Tinik sa ulo ng Sambayanang Pilipino.

Hihintayin pa ba ng Korte Suprema na mapako sa Krus ang mamamayang Pilipino bago umakto?

No comments: