Birthday kahapon ng yumaong erpat ko.
Sa totoo lang maraming pagkakataon na naiisip kong sana kasama pa namin si Erpat ngayon. Medyo makasarili ang dahilan ko dahil ang miss na miss ko ang suportang ibinibay niya sa akin mula noong bata ako hanggang sa nagka-anak.
Bininyagang Mario Bautista Legaspi, ipinanganak si Erpat sa Malolos, Bulacan, na ngayon ay isa ng syudad., pero mas kilala siya noong nagkaeda bilang Papa Mar. Lahat ng kaibigan ng pamilya, kamag-anak at katropa ko ay Papa Mar ang tawag sa kanya, siguro dahil sa kanyang pagiging father figure hindi lamang sa hitsura kungdi maging sa mga aksyon.
Hindi ko malilimutan ang sinabi niya sa akin noong nabatid ng pamilya na isa akong tibak, "Siguraduhin mo lang na kaya mong labasan ang pinasok mo."
Ang hindi lang niya siguro naisip ay ang pagiging tibak ay buhay at wala na itong labasan. Oo may mga kasama ako sa kilusan na lay low na sa buhay aktibismo subalit patuloy na sumusuporta sa mga mithiin nito sa kanilang personal na pamamaraan. Maging noong hindi ako kumikilos ay nagamit ko bilang batayang prinsipyo ang TPP o ang Tunay na Pagpapakatao.
Balik tayo kay erpat.
Hindi niya ako pinagbawalan sa aking pagiging tibak. Bagkus patuloy pa nga niya akong sinuportahan. Ngayon ko naisip na maaaring bumilib pa si erpat sa akin dahil biniyahe ko ang anila'y landas na bihirang tinatahak.
Sa totoo lang hindi naman kami masyadong close ni erpat, pero ang natatandaan ko ay lahat ng naging desisyon ko ay iginalang niya. Hindi lang ang aking desisyon kungdi maging sa mga kapatid ko. Ganun siguro ang ulirang ama o magulang. Hindi nila aawatin ang kanilang mga anak na sundin ang kanilang saloobin.
Ang maganda pa kay erpat kahit paminsanminsan ay palpak ang mga desisyon ko, sinasalo niya ako.
Isang bagsak sa yo, Papa Mar.
2 comments:
mabuhay ang mga erpats! i remember tito mar. i like the way he talks.
mabuhay ang mga mag-amang TNL! :-)
Post a Comment