Monday, January 31, 2011

Kasalan


Nitong nakaraang weekend ay dumalo ako sa isang kasalan na ginanap sa Bacolod.

Maganda ang kasal maliban sa hindi ko maintindihang dahilan kung bakit minabuti ng pastor na nagbasbas sa kasalan na gamitin ang banyagang wikang English. Siguro'y mas kampante siyang magsalita ng English kaysa sa Pilipino. Anuman ang dahilan niya sa tingin ko ay mas naging maganda ang kasalan kung mga sariling wika ng mga ikinasal ang ginamit.

Hindi ako umaangal dahil sa hindi ako nakakaintindi ng English kungdi sa ganang akin, mas naramdaman sana ng mga dumalo at ng ikinasal kung sa sariling wika nating mga Pilipino idinaos ang kasalan.

Dahil taga-Bacolod ang lalaking ikinasal, sa tingin ko ay mas naipahatid niya ang nasa kaibuturan ng kanyang puso kung ang ginamit niyang wika ay Ilonggo.

At ang babaeng ikinasal ay gumamit ng wikang Pilipino upang mas nasabi niya ang nilalaman ng kanyang puso.

Sa totoo lang, naniniwala akong wala namang pinipiling wika nag pag-ibig. Pero may pinipiling wika ang paghahatid nito na hindi man natin maintindihan ay ating mauunawaan dahil nagmumula ito sa puso ng mga ikinakasal o ng mga nag-iibigan.

Sa kabuuan, maganda ang naging kasalan. Pero mas nagustuhan ko ang post-nuptial ceremony.

Dahil sa pagkakataong iyon ay mas madadama mo ang totoong aspirasyon ng mga ikinasal at ng mga kapamilya at kaibigan nila dahil naipahatid nila ang kanilang mga damdamin gamit ang sariling wika.

Kay sarap pakinggan ng wikang Ilonggo, lalo ang malumanay na punto, kaya't ako'y lubusang nasiyahan at maging ang mga bisita ng mag-asawa.

Para kay Mayk at Chie, isang bagsak sa inyong mahabang pagsasama!!! Mabuhay kayo, mabuhay ang pag-ibig!

No comments:

Post a Comment

Thank your for your comments...you can likewise email the author at monleg@gmail.com