Friday, January 21, 2011

trabaho o sweldo?

Naikuwento sa akin ng isang kasama ang tanong ng isang negosyanteng Intsik sa mga unyonista, "Dati sabi nyo kailangan n'yo ay trabaho, ngayon may trabaho na kayo, bakit gusto pa ninyo malaki s'weldo?"

Naalala ko ito dahil nagtext sa akin ang isang poker buddy na naghahanap ng trabaho dito sa Pilipinas. Maganda naman ang laman ng kanyang resume. Nagtapos sa isang pangunahing unibersidad sa bansa, may mahabang karanasan sa pagtatrabaho hindi lamang dito sa Pilipinas kungdi maging sa ibang panig ng mundo. Ibig sabihin, hindi lamang siya edukado kungdi ekspersiyensado.

Kaso ang alok daw sa kanya ay P15k lamang kada buwan na suweldo.Kaltasin ang 10% tax at ang sweldo ay P13.5k na lamang. Babawasin pa sa sweldong ito ang contribution sa SSS, Pag-ibig at Philhealth at tuluyang wala pa sa P6,000 kada buwan ang take-home pay niya.

Siyempre, bago ka makarating sa iyong work place ay gagastos ka sa pamasahe. Idagdag pa rito ang gastos mo sa pagkain habang nasa lugar ng pinagtatrabahuhan.

Samakatuwid, mas ipinagtatrabaho pa natin ang ating mga kumpnaya kaysa sa ating mga pamilya kung ganito ang kalakaran.

Kaya't ang naitanong ko sa kanya ay "Ano ba ang gusto mo, magkatrabaho o magkasuweldo?"

Dito kasi sa Pilipinas ay magkaiba ito. Huwag kang umasang may trabaho kay ay may maayos kang sweldo. At kung ang employer mo ay ang pamahalaan, minsan ay may sweldo kahit walang trabaho.

Ayon sa National Statistics Office, ang kasalukuyang poverty threshold ay mahigit P17,000 para sa pamilyang binubuo ng apat na katao. Dahil dito, masasabing lalagpak sa ilalim ng poverty threshold ang aking kaibigan.

Kaya't ang sabi ko sa kanya ay konting tiyaga, parang poker lang yan, hintay-hintay lang upang makasahod ng malaking  pot.

'Wag muna all-in. Siguraduhin ang hawak na baraho bago mag-call.

At kung kailangang mag-fold ay mag-fold upang hindi mabawasan ang buy-in chips.

Wala lang, ganiyan talaga ang buhay, parang poker.




No comments: