Tuesday, January 18, 2011

Vamos Rafa


Hindi maikakaila na isa si Rafael Nadal ng Espanya sa mga paboritong magwagi sa 2011 Australian Open.

Pero kung si Rafa ang tatanungin, ayaw niyang isipin na makapagtatala siya ng apat na sunod na Grandslam victory.

"But I never think about winning the four Grand Slams in a row because that's very far right now," wika ni Rafa sa post-game interview niya makaraang makarating sa second round ng Aussie Open.

Nangayaw sa laro ang first round opponent ni Rafa na si Marcos Daniel sa second set sanhi ng injury.

Bagamat hindi iniisip ng Espanyol ang tinaguriang Rafa Slam, tuwang-tuwa ang mga fans ni Rafa sa pangyayari dahil hindi siya halos pinawisan para makapasok sa susunod na round.

Ngunit ang nasa isip ni Rafa ay mainapanalo lamang ang bawat puntos sa laban upang magwagi.

"I am a professional and I try my best in every point," punto ni Nadal.

Alam ni Rafa ang sakit ng pag-ayaw sa laban dahil nangayaw rin siya sanhi ng injury nang makaharap si Andy Murray sa quarterfinals ng torneo nitong nakaraang taon. Masakit ito para kay Nadal dahil siya ang defending champion sa torneo.

At dahil doon, hindi siya nakapagtala ng Grandslam win.

Ngayong taon, kung hindi ma-i-injure si Rafa, malaki ang tsansa niyang makopo ang Grandslam win, na hindi pa rin natitikman maging ni Roger Federer, ang inginungusong pinakamagaling at pamosong manlalaro sa buong mundo.

Tanging ang career grandslam o pagwawagi sa Australian Open, US Open, French Open at Wimbledon ang naitala ni Roger. Pero isang malayong pangarap pa rin kay Roger ang magwagi ng sunod-sunod sa mga nabanggit na torneo.

Ang dahilan nito ay mahina si Roger sa clay court na siyang pinaglalaruan sa France samantalang itinuturing namang teritoryo ni Nadal ang French Open kaya't nabansagan siyang "King of Clay." Maliban sa mga panalo niya sa Grandslam tournaments, nagwagi rin ng gintong medalya si Nadal sa 2008 Olympics na idinaos sa China.

Para sa isang 24 anyos na manlalaro, hindi maitatatwa na pambihirang panalo ang maitatala ni Rafa sakaling magwagi ngayong taon sa Australia dahil dalawang tao pa lamang sa kasaysayan ng tennis ang nakakagawa nito, si Don Budge noong 1938 at si Rod Laver noong 1962 at 1969.

Ganito kabihira ang pambihirang grandslam win. Tila ulan ito sa panahon ng El Nino.

Vamos Rafa, wag mo biguin at iwanang luhaan ang mga fans mo na naghihintay na makitang makakapagtala ka ng kasaysayan.

Pero kung hindi magwagi si Rafa, sa tingin ko ay  ayos lamang para sa Espanyol.

Aniya: "Seriously, the most positive thing that's talking about that is because I won the last three. The rest of the things doesn't matter, because I know how difficult is every tournament. I am not ready to think if I am ready to win this tournament or not right now."

Kung ating babasahin mabuti ang pakahulugan ni Rafa ay sinasabi niyang, wala lang. Laro lang. Trabaho lang, No?











No comments: