Tuesday, February 8, 2011

Angelo Reyes






Sumambulat habang nagkakape ang karamihang Pilipino ang pagpapatiwakal ni dating chief of staff Angelo Reyes.  Binaril ni Reyes ang sarili sa harap ng puntod ng kanyang ina.

Duwag.

Ito ang unang pumasok sa aking isipan.

Bakit hindi mo tatawaging duwag ay inabswelto niya ang sarili at iniwan ang pamilyang ngayon ay sangkot na rin sa anomalya ukol sa korapsyon sa sandatahang lakas ng Pilipinas.

Itinuturo si Reyes na tumanggap ng milyon-milyong salapi bilang "pabaon" matapos magretiro bilang chief of staff. At sa nakaraang Senate hearing ng Blue Ribbon committee, lumalabas na madalas ang pagpunta ng kanyang asawa sa Estados Unidos at ito pinopondohan ng pera ng AFP (Armed Forces of the Philippines).

Lumalabas din sa imbestigasyon na alam ng misis ni Reyes ang mga kabalastugang ginagawa ng kanyang mister.

At dahil sa pagpapatiwakal ni Reyes, dawit na rin ang buong pamilya niya kasama ang mga anak at apo.

Hindi ako naaawa kay Reyes dahil ang kapalit ng kanyang naging magandang pamumuhay ay buhay ng mga pangkaraniwang sundalo at kanilang pamilya.

Kasama sa kino-convert na pera ng mga heneral ay suweldo ng mga sundalo at mga opisyal na mababa ang ranggo. Lumalabas sa imbestigasyon ng Senado na umaabot sa P8 bilyon kada taon ang napupunta sa korapsyon sa AFP.

Hindi nakakapagtaka na nakabili si Reyes at ilang mga heneral ng tahan sa Estados Unidos. Malamang ay hindi lamang isa o dalawa ang kanilang ari-arian sa US tulad ni Gen. Carlos Garcia, na natagpuang may limpak limpak na salapi at may ilang ari-arian sa US.

Sabi ng isang kaibigan, hindi pa sapat ang buhay ni Reyes kapalit ng kaniyang kabalastugang ginawa habang chief of staff.

Ngayon mas kawawa ang pamilya niya. Ulila na sila sa ama, nahaharap pa sa imbestigasyon ang kanilang ina.

Pero mas naging kawawa ang taumbayan. Ipinagpalit ni Reyes ang kanyang dangal sa pera at dahil dito, maging ang AFP ngayon ay nalalagay sa alanganin.

Nasisira ang AFP bilang institusyon dahil ginagamit lamang ito ng mga heneral na nagpapagamit sa mga katulad ni GMA, na sana ay sumunod sa hakbang na ginawa ni Reyes sa mga susunod na araw kung hindi man ngayon ay bukas.

Sana'y paghirapan mo sa kabilang buhay ang mga kabuktutang ginawa mo Gen. Reyes.

No comments: