Photo by Nando Jamolin |
Nagsimula tayong mamatay sa sandaling tayo ay nabuhay.
Kaya nga buhay na buhay ang negosyo ng St. Peter, na para sa mga patay. Ika nga'y naghahanda lamang sa hindi maiiwasang pagtatapos ng buhay.
Naisip ko tuloy ang sinapit ng tatlong Pinoy - sina Sally Ordinario-Villanueva at Ramon Credo na pinatay sa pamamagitan ng lethal injections sa Xiamen at si Elizabeth Batain na pinatay sa hindi pa masabing pamamaraan sa Shenzhen - sa China.
Kung iisiping mabuti ay talagang kalunos-lunos ang kanilang sinapit, pero kung simpleng usapang lasing lang ay masasabing narating na nila ang huling hantungang sasapitin ng lahat ng sangkatauhan.
Pero ang usapin dito ay may karapatan ba ang Chinese government na kitilin ang buhay nila dahil napatunayang nagpasok sila ng droga sa China. Ayon sa report, si Ordinario-Villanueva ay nahulihan ng ng apat na kilong heroin noong Dec. 24, 2008 sa Xiamen, habang si Credo ay natimbog na may dalang apat na kilong heroin noong Dec. 28, 2008. Si Batain naman ay nasabat na may dalang halos pitong kilong heroin noong May 24, 2008, sa Shenzhen.
Ang China ay may batas na nagpapataw ng kamatayan sa pagdadala ng pinagbabawal na gamot sa kanilang teritoryo, at dahil dito hindi nag-atubili ang kanilang pamahalaan na katayin ang tatlo, sa kabila ng pagsusumamo ng ating pamahalaang iligtas sila sa inaasahang kamatayan.
Nakakapanindig balahibo ang mga pangyayari. Pero may mga Pilipino na nagsasabing tumpak lamang ang dinanas ng tatlo dahil mas marami silang buhay na sisirain dahil sa pagdadala ng heroin sa China. Kumbaga hindi pa sapat ang buhay nila kumpara sa dami ng sisirain nilang buhay dahil sa pagdadala ng droga.
Pero sapat na bang patayin sila dahil dito?
Sa tingin ng China at ilang Pinoy, tumpak lamang ito.
Sa ilang taong naniniwala sa kasagraduhan ng buhay, hindi.
Pero ano ba ang mas magandang nangyari sa tatlo, ubusin nila ang natitirang buhay sa mala-impiyernong kulungan sa China o mabigyan ng matuling kamatayan?
Kung tayo ay nagsimulang mamatay sa sandaling tayo ay nabuhay, anong klaseng kamatayan ang gusto mo.
Pero ang mas magandang tanong ay, anong klaseng buhay ang gusto mo kung darating din naman ang pagkakataong lalayasan mo rin ang mundong ito?
Madali itong sagutin, pero mahirap makamit. Dahil ang karaniwang minimithi natin ay hindi nangyayari...lalo na kung nasa death row ka.
Pahabol Sulat:
Para sa karagdagang kaalaman ukol sa karapatan sa buhay, bumisita sa http://www.hrea.org/.
Kung ukol naman sa United Nations Declaration on Human Rights magtungo sa http://www.un.org/.
No comments:
Post a Comment
Thank your for your comments...you can likewise email the author at monleg@gmail.com