Ano ang isang bayani? Ayon sa mga pag-aaral ang simpleng meaning ng salitang "hero" ay protector o sa Pilipino ay tagapagtanggol.
Kaya nga ang mga paborito nating super heroes ay madalas ipinagtatanggol ang sangkatauhan. Si Batman ang ipinagtatanggol niya ay ang Gotham City, si Superman ang ipinagtatanggol niya ay ang Estados Unidos. Dahil popular ang mga super heroes dumami ang bilang ng mga ito at naging Justice League kasama sina Wonder Woman, Green Lantern at Aquaman. At kung may hero may anti-hero o kontrabida.
Sumikat din ang mga heroes mula sa Japan na sina Voltes V, Mazinger Z, at Aprodite. Sa mga bagong henerasyon siyempre ay sina Naruto, Sasuke Uchiha, at Sakura Haruno.
Naging paborito rin natin ang mga Pinoy superheroes na sina Darna, Captain Barbel, Panday, Enteng Kabisote at iba pa.
Ang mga ito ay maituturing na kathang isip na bayani. Pero hindi naman salat ang Pilipinas pagdating sa tunay na bayani. Nandiyan ang paborito kong national hero na si Andres Bonifacio, ang itinuturing na ama ng Philippine Revolution.
Maraming bayaning maipagmamalaki ang Pilipinas na hindi matutumbasan ang kakayanan, kadakilaan at kagawapuhan. Hindi ba't popular ang pagiging babaero ni Gat. Jose Rizal, na maituturing na pangunahing TNL sa ating mga bayani dahil ang TNL humaharap sa bala kapag binabaril.
Pero may isang tao sa kasaysayan ng Pilipinas na nagkukuwaring bayani. Ito ay si Ferdinand Marcos, ang diktador na pinalis na parang langaw ng taumbayan noong 1986.
Magpahangga ngayon ay nagpupumilit ang kanyang pamilya na mailibing siya sa Libingan ng mga Bayani. Pero maituturing ba nating bayani ang isang taong nagpahirap sa libo-libong Pilipino, yumurak sa dangal ng bansa, nagpiyesta sa kaban ng bayan, nagpakitang gilas sa kanyang mga kaibigang Kano at nagpamalas ng tapang sa pamamagitang ng pagtorture sa libo-libong Pilipino?
TNL puwede pa siguro dahil ang isang TNL hindi nagpapahuli ng buhay sa kanyang mga kasalanan sa sambayanan. Tumakas si Marcos sa Hawaii noong mapatalsik at doon namatay.
Pero ngayon nagpupumilit ang kanyang mga natitirang alipores at pamilya na maihimlay sa Libingan ng mga Bayani. Nangunguna rito si Sorsogon Rep. Salvador Escudero III, ang dating agricultural minister ni McKoy.
Para raw ito sa pagkakasundo ng sambayanan. Tae ninyong lusaw!
Hindi bayani si Marcos at kailanman ay hindi puwedeng malibing sa Libingan ng mga Bayani.
Pero may suggestion ako. Bakit hindi na lamang magbukas ng isang sementeryo para sa mga kawatan ng kaban ng bayan. Doon ay magpapagawa ng mauseleum at ililipat ang bangkay ni Marcos.
Doon makakasama niya sina Merceditas Gutierrez ang kanyang kaibigang sina Gloria Macapagal-Arroyo, mga heneral na sina Ligot, Reyes, Cimatu at iba pang heneral na kumurakot sa kaban ni Juan.
No comments:
Post a Comment
Thank your for your comments...you can likewise email the author at monleg@gmail.com