Friday, April 15, 2011

Hudas

Si Judas Iscariot ang paborito ko sa 12 apostoles ni Jesus. Pero bago ninyo ako husgahan ay hayaan ninyong sabihin ko ang mga dahilan.

Una ay kilalanin natin si Judas Iscariot. Sino ba siya?

Ang pangalang Judas ay saling Griyego mula sa pangalang Hebrew na Judah samantalang ang Iscariot naman ay nagpapakilala kung ano ang background ni Judas. Ayon sa mga eksperto ang Iscariot ay nagsasabi na si Judas ay mula sa Kerioth, isang lugar sa dating Judea at nagpapakita na siya ay mula sa southern Palestine habang ang isa pang Judas na apostoles ay mula sa Galilee.

Isa pang theory, na mas kinikilingan ko, ay ang pangalang Iscariot ay mula sa Latin na salitang "sicarius" na nangangahulugang "dagger-man". Ang mga Sicarri ay isang grupo ng mga rebeldeng naglalayong palayasin ang mga Romano na umaalipin noon sa mga Judio.

Dahil dito, masasabing si Judas Iscariot ay isang rebolusyonaryo. Nilalabanan niya kasama ang mga Sicarri ang panunupil ng mga Romano na kumubkob sa kanilang tinubuang lupa.

Masasabing tinitingnan ni Iscariot si Jesus bilang isang lider ng mga Judio na mangunguna na palayain ang kanilang bansa sa kuko ng Agilang Romano.

Ngunit nagbago ang ihip ng hangin dahil hindi ginamit ni Jesus ang kanyang kapangyarihan upang pamunuan ang pag-aalsa laban sa mga Romano.

Dahil dito pinuwersa ni Judas ang sitwasyon. Kinuha niya ang 13 pilak na ibinigay sa kanya at inginuso kung nasaan si Jesus upang arestuhin.



Malamang na ang iniisip ni Judas ay mapipilitan si Jesus na gamitin ang kanyang mga powers upang labanan ang mga Romano at pagdaka'y pamumunuan ang rebolusyon.

Ngunit may ibang plano si Jesus.

Dahil hindi naisakatuparan ang mga plano ni Judas, siya ay nagpakamatay. Malamang hindi niya matanggap na hindi pamumunuan ni Jesus ang rebolusyon at nabigo ang kanyang pinapangarap na pagbawi ng kanyang bansa sa mga Romano.

Sa ganitong pananaw, masasabing ang focus ni Judas Iscariot ay political. Isa siyang rebolusyonaryo.

Pero ngayon, sa kasamaang palad at dahil na rin sa pagpapalaganap ng Simbahan sa maling interpretasyon ng mga pangyayari, si Judas Iscariot ay kinukutya at kadalasang idinidikit sa mga masamang gawain.

Tulad na lamang ng pagnanakaw at ibang krimen. Tinatawag nating mala-Judas na gawain ang pagpatay. Nanghuhudas ang nagsisinungaling. Mala-Judas na gawain ang pangre-reape. Mala-Judas na ugali ang paninira sa kapwa at iba't iba pang ka-Judasan.

Maging ang hindi pagbabayad sa jeep ay mala-Judas na gawain. Natatandaan mo ba ang katagang "God Knows Hudas Not Pay?"

Pero para sa akin, si Judas ay isang rebolusyonaryo. Hangad niya ang kalayaan ng kanyang bayan. Masasabi ring biktima siya ng mga pangyayaring hindi niya kayang kontrolin.

Tawagin ninyo na akong Judas. Pero si Judas ang paborito kong apostoles.

2 comments:

Anonymous said...

kuya, ibig po bang sabihin na "luck of the draw" lang yung paglagay kay Jesus sa pedestal? It could have been "Judas Christ" for all we know :-)

monleg said...

@kysulover. hindi naman siguro. pero kung si Jesus ay lumaban sa mga Romano, malamang ubos ang empire. isipin mong ang kalaban nila ay nakakalakad sa tubig. nakakagawa ng himala. isipin mo na lang na ang tubig ay kaya niyang gawing fundador.