Thursday, April 7, 2011

Kapaligiran


Tradisyunal na ipinagdiriwang ang Buwan ng Kapaligiran (Environment Month) sa buwan ng Abril. Sa buwang ito kapansin-pansin na binibigyan diin ang pagpapahalaga sa ating kapaligiran.

At kapag kapaligiran ang pinag-uusapan ang laging sumasagi sa isip ko ay ang ASIN, isang banda noong dekada 70. Isa sa pinasikat na awitin ng ASIN, binubuo nina Lolita "Nene" Carbon,Pendong Aban, Jr. (na kilala rin bilang kasapi ng "Ang Grupong Pendong"), yumaong si Cesar "Saro" BaƱares at Mike "Nonoy" Pillora, ang awiting "Masdan Mo Ang Kapaligiran"

Bagama't noong Dekada 70 pa nabuo ang awitin, kapansin-pansin na napapanahon ang awiting ito. Malapropetang inawit ng ASIN kung paano natin sinisira ang ating kapaligiran at maging ang posible nating maipamana sa ating mga anak o apo ay nasisira na rin.



Isang ehemplo nito ang Malolos sa Bulacan, na tinaguriang Lalawigan ng mga Bayani.



Lumaki ako sa Malolos, Bulacan at doon ko naranasan ang pag-akyat sa puno ng bayabas, kaymito, mangga, at iba pa. Ginagamit rin namin ang mga matatayog na puno at kawayan sa taguan at iba pang mga laro.

Doon ko rin naranasang magtampisaw sa tubig baha. at nanghuhuli ng butete. Maging mga kanal noong lumalaki ako ay malinis, nakakahuli kami sa mga kanal ng gurami, dalag, tilapia at iba't ibang isdang tabang.

Ngayon tuwing uuwi ako sa Malolos ay puro gimikan ang nakikita ko. Natatandaan ko pa noon na ang gilid ng riles ng train ay tinataniman ng palay at kapag panahon ng tag-ani ay napakabango ng hanging amoy palay.

May mga tao kasi na ang tingin sa mga fastfood, mall at mga commercial buildings bilang senyales ng kaunalaran. Matatawag ba nating kaunlaran ang pagkasira ng kapaligiran, ng mga palayan, ng ilog at maging simpleng kanal.

Ang mga dating bukid sa Malolos, na ginastusan ng milyon-milyong pisong inutang sa World Bank para malagyan ng irigasyon, ay puro subdivision na ngayon.  Ganito rin ang nangyari sa maraming palayan sa Meycauayan, Bocaue, Calumpit at karatig na mga bayan.



Hindi na nga maituturing na isang lalawigan ang Malolos, kung saan ako ipinanganak, nagkaisip at nagbinata. Ito ay tulad na rin ng Maynila na polluted ang hangin sa dami ng mga tricycle na nagbubuga ng nakakalasong usok. Matindi rin ang trapiko doon dahil sa mga tricycle.

Kasama pa rito ang mga jeep na nagmumula sa Plaridel, Monumento, Hagonoy, Calumpit at karatig pook. Kabisera kasi ng Bulacan ang Malolos at ito ay dinarayo ng mga Bulakenyo.

Maibabalik pa kaya ang dating Malolos, kung saan itinayo ang unang republika ng Pilpinas? Malabo na siguro, pero ang alam ko, minsan sa aking buhay ay naranasan ko ang isang luntiang Malolos.



Masdan Mo Ang Kapaligiran

Wala ka bang napapansin
Sa iyong mga kapaligiran
Kay dumi na ng hangin
Pati na ang mga ilog natin

REFRAIN 1
Hindi nga masama ang pag-unlad
At malayu-layo na rin ang ating narating
Ngunit masdan mo ang tubig sa dagat
Dati'y kulay asul, ngayo'y naging itim

Ang mga duming ating ikinalat sa hangin
Sa langit, 'wag na nating paabutin
Upang kung tayo'y pumanaw man
Sariwang hangin, sa langit natin matitikman

REFRAIN 2
Mayro'n lang akong hinihiling
Sa aking pagpanaw, sana ay tag-ulan
Gitara ko ay aking dadalhin
Upang sa ulap na lang tayo magkantahan

AD LIB

Ang mga batang ngayon lang isinilang
May hangin pa kayang matitikman
May mga puno pa kaya silang aakyatin
May mga ilog pa kayang lalanguyan

REFRAIN 3
Bakit 'di natin pag-isipan
Ang nangyayari sa ating kapaligiran
Hindi nga masama ang pag-unlad
Kung hindi nakakasira ng kalikasan

Darating ang panahon, mga ibong gala
Ay wala nang madadapuan
Masdan mo ang mga punong dati ay kay tatag
Ngayon'y namamatay dahil sa ating kalokohan

REFRAIN 4
Lahat ng bagay na narito sa lupa
Biyayang galing sa Diyos kahit no'ng ika'y wala pa
Ingatan natin at 'wag nang sirain pa
'Pagkat 'pag Kanyang binawi, tayo'y mawawala na

No comments: