Monday, May 23, 2011

Fish be with you


Ano ang paborito mong isda? O ano ang paborito mong pagkain na may kasamang isda?

Dahil Bulakenyo ako, ang paborito ko ay paksiw na bangus na ang ginamit na suka ay ang nangingitim sa asim  mula sa Paombong. Dagdagan mo ito ng konting asin, luya, bawang at sili. Langit na di ba? Kung minsan ay sinasahugan ng ampalaya o talong para sa dagdag na lasa. Malasa rin ang ulo ng bangus, lalo na yong mata. Sarap sipsipin.

Ha ha ha.



Masarap din sa bangus ang inihaw, sinampalukan, fried with garlic, pesa, sarsiyado, o kaya yong may toho at black beans. Minsan ayos na rin yong simpleng daing at ang sawsawan ay sukang maasim na may bagoong.

Kung hindi bangus, masarap din ang tilapia, bulig, galunggong, tuna, squid, blue marlin at tanigue. Wala ring papantay sa sinaing na isda ng Batangas, o kaya ay sa pesang dalag ng Bulacan.



Pero naisip mo na ba kung saan nanggaling ang isdang kinakain mo? Saan nga ba nagmumula ang mga isdang ating kinakain?

Kung pla-plang Batangas, malamang na nagmula ito sa fish cage sa Taal Lake, at kung bangus mula Pangasinan, masarap na galing ito sa mga fish cage sa Bonoan. Hindi naman nagpapahuli ang Laguna Lake sa napakaraming fish cage. Ang mga pagkain at dumi ng isda sa mga fish cage na ito ang numero unong dahilan kung bakit polluted na ang malaking bahagi ng lawa. Hindi maitatatwa na ang fish kill na nangyari sa Taal Lake ay sanhi ng polusyon mula sa mga fish cage.

Ganito rin ang problema sa Pangasinan at maging sa Bulacan. Ang buhangin na napag-aanihan ng tulya sa mga ilog at lawa ay napangibabawan na ng burak. Malaking problema ito para sa maliliit na mangingisdang walang salapi para mangapital sa mga fish cage dahil halos wala na silang mahuling "galang" isda.

Idagdag pa rito na ang mga mangingisda sa karagatan ay  itinataboy ng mga resort owners, at maging ng pamahalaan dahil sa mga reclamation projects.

Ilang libong mangingisda ang napilitang umalis sa kanilang pinagkakakitaan noong itayo an Coastal Road sa Cavite? At ilang libo naman ang nawalan ng pagkakakitaan dahil sa reclamation upang mapagtayuan ng Mall of Asia?

Ayon nga sa isang mangingisda, "Lumalayo ang dagat sa amin dahil sa reclamation. Dati kahit paano may libreng pagkain basta magsipag lang sa laot. Kung swerte, may dagdag pa na kita."

Sa susunod na pumangas ka ng Pampano o tuna, magandang tanungin din kung ano ang sakripisyong ibinigay ng mga mangingisda upang makakain tayo ng ating paboritong isda.

No comments:

Post a Comment

Thank your for your comments...you can likewise email the author at monleg@gmail.com