Thursday, June 2, 2011

Bokal



WTF!!!

Ito ang naging reaction ko habang  binabasa ko ang petition letter ng 90 Dusit Hotel workers na talakayin ng Supreme Court en banc ang desisyon ni Justice Presbitero Velasco ng 2nd Division ng Korte Suprema.

Ang unang pumasok sa isip ko ay iiyak ba ako o tatawa sa desisyon ni Justice Velasco na nagsabing ang pagpapakalbo ay puwedeng husgahan bilang illegal strike.

Ano raw?

Opo, ang pagpapakalbo ng mga manggagawa sa Dusit Thani Hotel ay katumbas ng illegal strike!!!

Aray!


Ayon kay Rey Rasing, ang dating pangulo ng Dusit Hotel workers union, nagpakalbo ang mga manggagawa bilang protesta sa anila'y malinaw na pagbalewala sa makatarungan at makataong kahilingan sa collective bargaining negotiations.

Matapos ang sama-samang pagpapakalbo ng karamihan sa mga lalaking miyembro noong Enero 18, 2002, hindi pinapasok sa kanilang mga trabaho ang mga manggagawa kaya't nagpiket sila sa labas ng hotel.

Kung hindi pinapasok ng management ang mga nagpakalbo at maging ang mga dati ng kalbo, illegal strike ba ito?

Kailan pa naging illegal strike ang pagpuwersa ng management sa mga manggagawa na hindi pumasok?

Justice Velasco
Itanong natin ito kay Justice Velasco, siya ang nagsulat ng desisyong kahit ang mga pusa at aso namin sa bahay ay matatawa kapag kanilang nabasa. Isang desisyon ito para sa Ripley's Believe It Or Not.

Ang suhestiyon ko sa mga manggagawa ng Dusit Hotel ay magsagawa muli ng "kalbuhan". Pero upang mas may impact dapat ay subukan nilang magsagawa ng world record. Himukin nila ang lahat ng mga kasaping babae at lalaki gayundin ang mga kaalyadong union upang umabot ng libo-libo ang magpapakalbo.

Kung magagawa ito, hindi lamang nila mapapalawak ang kamulatan ng mga Pinoy ukol sa nakakakalbong desisyon ni Justice Presbitero malamang makasama pa sila sa Guinnes World Records para sa sabay-sabay na nagpakalbo.

At bago kayo makalbo, tumungo sa http://www.petitiononline.com/20110501/petition.html at pirmahan ang online petition. 

No comments: