May dahilan ang mga magsasaka na singilin ang pamahalaan ukol sa reporma sa lupa dahil libo-libong ektaryang lupa ang hindi naipamahagi ng pamahalaan bagamat may batas tulad ng Comprehensive Agrarian Reform Law (CARL). At kahit nagkaroon ng extension ang batas sa ilalim ng Carper, 997,728 ektaryang lupa ang nananatiling nasa kamay ng mga landowners.
Ang masakit pa rito, kaysa ipaglaban ng mga nakaraang pamahalaan ang pamumodmod ng lupa base sa CARL, mismong ang pamahalaan ang gumagawa ng paraan upang hindi maipamahagi ang mga lupa.
Bakit ba dapat ipamahagi ang mga lupa?
Kung ekonomiyang batayan ang gagamitin natin, simple lang ang dahilan. Kung ang mga lupa ay pag-aari ng mga magsasaka, mas marami ang makikinabang sa ibubunga ng lupa. Kung marami ang nakikinabang sa ekta-ektaryang lupain, mas marami ang magkakaroon ng kakayanang mamili sa merkado. Kung marami ang namimili, lumalakas ang ating ekonomiya. At kung lumalakas ang ating ekonomiya, lumalakas ang kakayanan ng pamahalaan na bigyan ng serbisyo ang mga mamamayan.
At kung karapatan naman ang dahilan, masasabing karapatan ng mga magsasaka na magkalupa, laluna 'yong mga lupaing dekada na nilang sinasaka o namana na mula sa mga ninuno nila.
Kung may pangarap ang sinumang mamumuno na pasiglahin at paunlarin ang Pilipinas, hindi lamang malaki kungdi numero unong priority ang agraraian reform. Lahat ng bansang umunlad ay dumaan sa ganitong proseso, maging ang mga kapitbahay nating tulad ng Japan, Korea, Thailand at Vietnam.
Dapat din nating tingnan sa pananaw ng moralidad ang isyund ito, mas moral tingnan na ang libo-libong ektaryang lupain sa Pilipinas ay libo-libo ring Pilipino ang nagmamay-ari at hindi ang iilang pamilya lamang.
Kaya't tumpak lamang ang panawagan ni Akbayan party-list Kaka Bag-ao sa Department of Agrarian Reform na siguraduhin na ang lahat ng balakid sa pagpapatupad ng reporma sa lupa ay tanggalin.
Lalu na ang mga makabagong pamamaraan tulad ng Biofuels law na naghahangad gamitin ang ating mga sakahan bilang pagkukuhanan ng langis at gayundin ang mga tulad ng kanselasyon sa emancipation patents (EPs) at certificate of land ownership awards (CLOAs).
"May mga impormasyon kaming nakalap na ang mga pang-agrikulturang lupain ay kino-convert sa biofuel feedstock production. Dahil dito ang mga agrarian reform beneficiaries ay posibleng ma-relocate o maging manggagawa sa sariling sinasaka na may mababang sahod," aniya.
Isa pang balakid ay ang ang posibleng pagkatig ng Korte Suprema sa mga nagmamay-ari ng Hacienda Luisita sa usapin ng stock distribution option, na kaysa lupa ay stock option ang ibinibigay ng mga panginoon maylupa.
“Walang ibang pagkakataon para ipakita ng Supreme Court ang kanyang independence kundi ngayon, as farmers commemorate this month the agrarian reform law. The court must rule in favor of land distribution. The farmers deserve no less,” dagdag ni Atty. Bag-ao, ang abogado ng Sumilao farmers.
No comments:
Post a Comment
Thank your for your comments...you can likewise email the author at monleg@gmail.com