Mayroon akong ikukumpisal. Hindi kay Padre Damaso kungdi sa mga kapwa ko Pilipino.
Hindi ako komportable na tawaging bayani si Rizal. Hindi ko rin tinitingnan na dapat siyang ituring na pambansang bayani ng Pilipinas.
Oo, magaling siyang manunulat. Napakabibo nga niya dahil maliban sa pagiging manunulat, isa rin siyang iskulptor, linguist, doktor sa mata, painter at posibleng magaling din siyang chef. Kung nabubuhay si Rizal ngayon, malamang na na-perpekto na niya ang sining ng multi-tasking.
Pero, bayani?
Oo binaril siya sa Bagumbayan, ngunit hindi bilang isang rebolusyonaryong tulad ng paborito kong si Andres Bonifacio kungdi nadawit lamang siya na isang Katipunero, ang mga kasapi ng Kataastaasang Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK).
Katunayan nang pumutok ang rebolusyon laban sa mga mananakop na Kastila nakasakay ng barko si Rizal patungong Cuba, kung saan sana ay magsisilbi siya bilang doktor bilang kapalit ng kanyang kalayaan. Hinuli siya at pinabalik ng Maynila at napatawan ng kamatayan sanhi ng krimeng rebelyon.
Sa totoo lang, ayaw ni Rizal ng rebolusyon, ayaw niyang dumanak ang dugo para maka-igpaw ang mga Pilipino laban sa mga Kastila.
Hindi lamang ako, kungdi maging ang ilang manunulat ay may ganitong pananaw.
Ayon kay Miguel de Unamuno, "Because Rizal himself is the spirit of contradiction, a soul that dreads the revolution, although deep within himself he consummately desires it: he is a man who at the same time both trusts and distrusts his own countrymen and racial brothers; who believes them to be the most capable and yet the least capable – the most capable when he looks at himself as one of their blood; the most incapable when he looks at others. Rizal is a man who constantly pivots between fear and hope, between faith and despair. All these contradictions are merged together in that love, his dreamlike and poetic love for his adored country, the beloved region of the sun, pearl of the Orient, his lost Eden."
Kung hindi rebolusyonaryo at hindi bayani, ano si Rizal?
Si Rizal ay itinuturing na isang "Don Quixote."
Isang taong may pangarap na palayain ang kanyang bayan sa pagkakabihag ng Espanya pero kapos sa tugmang pagkilos upang magkatotoo ang kanyang pangarap para sa Inang Bayan.
Pero hindi maitatatwa na malaki ang naiambag ni Rizal upang mamulat ang maraming Pilipino sa kanilang kalagayan noon sa pamamagitan ng El Filibusterismo at Noli Me Tangere.
Sa huli, hindi pa rin bayani. Pero iginagalang ko ang kanyang pagiging malikhain at siyempre pa ang kanyang pagiging bantog na palingkero.
Isang bagsak para kay Rizal.
Sino ka po Ba? Taga-Akbayan ka ba?
ReplyDelete