Sunday, June 5, 2011

Sinto-sinto si Jojo?



Sa darating na Nobyembre 11 ay 69 years old na si Vice President Jejomar Binay. Opo, nalampasan na ng sobra-sobra ni Jojo ang mga puwedeng pagpilian sa lotto. Kahit sa Grand Lotto ay hindi na puwedeng tayaan ang edad ni bise presidente.


Hindi lang siya lolo o senior citizen, isa na siyang super lolo. Sisentay nuwebe na ang edad niya. At sa ganitong edad ay asahan na nating kung ano-ano ang puwedeng maramdaman ng isang lolo.



Nariyang may alta-presyon, o kung papatulan natin ang mga balita ay may sakit daw sa kidney itong si Bise.

Pero ang ikinakatakot ko ay hindi ang pagda-dialysis niya, kung ito man ay toto, kungdi ang mental health niya.

Ayon sa Nation Health Institute website (http://www.nlm.nih.gov/medlineplus/alzheimersdisease.html), isang posibleng sakit ng mga lolo na may edad na 60 pataas ay Alzheimer's disease (AD) na pangkaraniwang tinatawag na dementia.

Idinagdag pa ng website na unti-unting nagsisimula ang AD. Sa simula ay ilang parte lamang ng utak na kumokontrol sa pag-iisip, memory at pananalita ang naapektuhan.


Marami, ayon sa website, na may AD ang mahihirapang maalala ang mga nangyari sa nakaraan at ang mga pangalan ng tao. Isa sa katulad na problema nito ay ang mild cognitive impairment (MCI), na sanhi ng problema sa memorya sa mga normal an taong may ganitong edad. Karamihan, pero hindi lahat, ng may MCI ay magkakaroon ng AD.


Sinabi pa ng website na ang mga taong may AD ay kadalasang nakakalimot mag-toothbrush o kaya ay magsuklay at naglalagalag mula sa kanialng mga tahanan. Walang makakapigil, ayon sa website, sa paglala ng ganitong karamdaman.
Hindi pa naman siguro malala, kung may dementia man si Bise Presidente o wala, dahil hindi niya nalilimutang magtina ng buhok. Bihira kasi akong makakita ng taong 69 years old na pero singitim ng kanilang balat ang kanilang buhok. Isa pang halimbawa nito ay si Erap na sa tingin ko ay mas matanda pa kay Binay.

Nabanggit ko ito dahil tila ibang Binay ang nagmungkahi na ilibing ang dating diktador at human rights violator na si Ferdinand Marcos with military honors sa Ilocos.

Naisip ko kasing hindi na ba naaalala ni Binay kung bakit siya nagtungo sa EDSA noong 1986?

Hindi ba't founder pa si Binay ng Mabini (Movement of Attorneys for Brotherhood, Intergirty and Nationalism, Inc. (MABINI)), isang samahan ng mga abogadong tulad ng mga dating Senador na Lorenzo Tanada, Wigberto Tanada at Rene Saguisag. Lumaban ang MABINI laban kay Marcos, at karamihan sa kanila ay nakatikim ng karahasan sa bakal na kamay ng diktador.

Pero tulad ng isa pang dating MABINI founder na si Sen. Joker Arroyo, tila nagiging makakalimutin si Bise Presidente.

Ayokong isiping walang sakit si Bise Presidente dahil mangangahulugan ito na kinain na niya ang kanyang mga ipinaglaban noong panahon ng diktadura. Ayokong isiping walang Alzheimer's disease si Jejomar dahil mangangahulugan ito na binalewala na niya kahulugan ng hustisya, demokrasya at karapatang pangtao.

Mas tanggap ko na na kaya ganito ang panukala ni Bise Presidente ay may dementia siya.

Ayos na sa aking masabing ang bise presidente ko, na puwedeng pumalit kay PNoy sakaling mabangga ang kanyang Porshe o aksidenteng mabaril ang sarili habang nagsho-shooting, ay sinto-sinto kaysa tanggapin ibinenta na niya ang sarili niya kapalit ng makukuha sa pulitika.

Tanggap ko na, sinto-sinto si Jojo!!!

No comments: