IPINAGDIWANG kahapon Hulyo 7 ang ika-119 na anibersaryo ng Katipunan o ang Kataastaasan Kagalanggalangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan, ang rebolusyonaryong samahang itinatag ni Andres Bonifacio upang palayasin ang mga mananakop na Kastila.
Tatlo ang layunin ng Katipunan at pangunahin dito ay ang pampulitikang layuning makalaya sa pananakop ng mga Kastila matapos magdeklara ng kalayaan.
Isa pang layunin ng Katipunan ay ang ituro sa mga Pilipino ang magandang asal at bantayan ang mga sarili laban sa panatisismong relihiyon.
Layuning panglipunan naman ng Katipunan na paunlarin ang sariling kakayanan at ipaglaban ang mga naaaping kababayan.
Sa tatlong layuning ito ay naniniwala akong nagampanan ng Katipunan ang nauna. Napalaya ng Katipunan ang Pilipinas laban sa mga Kastila subalit nabigo naman sa pananakop ng mga Amerikano.
At dahil hindi lubusang nakopo ang kalayaan dahil sa pagpasok ng mga Kano sa ating bansa, masasabi kong hindi pa tapos ang rebolusyon, na hindi lamang sariling pamamahala ang dapat makamtan kungdi ang maisemento sa isipan ng mga Pilipino ang sariling hegemonyo o ang kulturang papairalin bilang mga Pilipino.
Minsa'y may nakausap akong French at ang sinabi niya ay dapat maglungsad ang mga Pilipino ng isang counter culture revolution.
Damang-dama kasi niya ang maka-banyagang kulturang bumabalot sa ating bansa.
Naikuwento naman ng isang kaibigan na ito rin ang obserbasyon ng kanyang mga nakaulayaw na banyaga. Kung pupunta ka sa Vietnam, Malaysia, Indonesia at ilang kalapit na bansa, damang-dama mo ang pagiging Asyano ng mga bansang ito.
Pero rito sa Pilipinas, banyagang-banyaga ang kultura at kitang-kita ito sa ating pananamit, pananalita, at maging sa kinakain.
Kaya nga ako ay naiinggit sa mga kalapit nating bansa. Hindi sila masyadong marunong umingles pero mas maunlad ang kanilang kultura at ekonomiya.
Hindi nga ba't nagpupunta pa ang mga Koreano at Hapon dito sa Pilipinas para mag-aral ng English. Pero sa kabila ng kanilang kakulangan sa wikang ito, moderno ang kanilang ekonomiya.
Dahil dito, masasabi kong, hindi pa tapos ang laban, kailangang ipagpatuloy ang rebolusyong isinulong ng mga ninuno nating Katipunero, lalu na ng mga Magdiwang.
No comments:
Post a Comment
Thank your for your comments...you can likewise email the author at monleg@gmail.com