Kadalasang nagsisimula ang araw ko sa pag-inom ng mainit na brewed barakong kape. At kadalasan ding nagwawakas ang araw ko sa pamamagitan ng isa pang mug ng matapang na barakong kape. Lalu ngayong tag-ulan, napakasarap uminom ng kape.
Nito lamang Sabado nang dumalaw ako sa Lipa City para sa isang seminar, nag-uwi ng isang kilong barako, ang pinakapaborito kong kape. Sa tantiya ko, umaabot lamang ng isang buwan ang isang kilong kape sa bahay at kung minsan ay kapos pa nga laluna't makikiinom ang mga kapitbahay kapag nalanghap nila ang napakabangong amoy ng barakong kape.
Kaya't sinasamantala ko ang mga pagkakataon na puwede akong magpabili ng Kape sa Batangas o maging sa Baguio na kung saan mabibili ang mga "high land" coffee mula sa Banawe at Sagada.
Bagamat medyo may kamahalan ang kape at talagang kinakailangang isama sa budget, hindi naman kapanipaniwala na aabot sa P1 bilyon ang ginastos ng PAGCOR sa kape. Ayon sa speech ni PNoy sa nakaraang SONA ganito kalaki ang ginastos ng naturang government agency sa kape.
Kasama na kaya ang creamer o milk at sugar dito?
Kahit pa isiping may baristang naghanda sa kape, hindi ko maisip na aabot sa ganitong kalaki ang halaga ng kape.
P1 bilyon?
O baka naman pawang Civet o Alamid Coffee, itinuturing na pinakamahal na kape sa mundo, na nagkakahalaga ng libo-libong piso ang isang kilo ang pinainom ng PAGCOR.
Sa isang banda, naisip ko ring hinikayat ng PAGCOR ang mga parokyano nila dahil mahirap nga namang magsugal kung inaantok ang mga mananaya. Tipong bottomless coffee ika nga upang ganahang manaya ang mga sugarol.
O baka naman pilit na pinapainom ang mga dealers upang hindi madaya?
Ngayon naiintindihan ko na kung bakit tinatawag na Black Gold ang kape!!!
Ano kaya ang masasabi ni dating PAGCOR chair Efraim Genuino? O baka naman kinakabog na ang dibdib niya dahil nasobrahan na sa kape.
No comments:
Post a Comment