Monday, July 18, 2011

Puruhan ang West Philippine Sea




May mga nagsasabing hindi malakng usapin ang West Philippine Sea para sa mga pangkaraniwang Pilipino, na ang tutok ay ang pang-araw-araw na pangangailangan tulad ng pagkain, tirahan, trabaho at iba pa.

Pero sa aking pananaw hindi dapat isalansan ang isyu sa mga pang-araw-araw na pangangailangan ng mga Pilipino dahil magkaibang usapin ito bagamat may kaugnayan.

May mga nagtatanong naman na naghahanap daw ba ng away ang Pilpinas laban sa higanteng Intsik. Sabi nga ng barbero ko, mahirap na magkapikunan dahil tiyak na lalamunin tayo ng mga Intsik kapag nakipagrambol tayo sa kanila. Maging si Rambo, aniya, ay hindi kayang pumalag sa kanila dahil sa bilang pa lamang ng populasyon ay talo na tayo, idagdag pa ang lakas ng kanilang mga "tools".



Pero sa aking pananaw ay hindi maitatatwang dapat nating i-secure ang mga islang nakapaloob sa ating teritoryo. Ano pa't naging bansa tayo kung hindi natin ito ipaglalaban. May mga Pinoy ngang napupuruhan dahil lamang sa maliliit na usaping tulad ng yosi, beer o minsa'y kulitan lamang.

Kaya anila'y bakit ba tayo nangungulit paano kung mapikon ang mga Intsik? Kaya bang sumabay nina Captain Barbel sa mga dragon?

Pero tama si Walden Bello, ang kinatawan ng Akbayan Party sa Kongreso, na tumpak lamang na ipaglaban natin ang ating karapatan sa mga islang nakapaloob sa ating mga teritoryo.

Kaya nga natutuwa ako na ipapakita ni Walden at Atty. Kaka Bag-ao kung paano dapat sinupin ang mga isla at dagat na ito, na aniya'y walang isang bansa ang dapat makinabang dahil tumatama sa mga teritoryo ng maraming bansa ang mga isla.

Pero nakakapraning kung paano kinokopo ng mga Intsik hindi lamang ang mga islang matatagpuan sa West Philippine Sea kungdi ang buong karagatan.

Para sa mga Intsik, lawa lamang nila ang West Philippine Sea at pag-aari nila ang lahat ng naririto. Sobrang gahaman naman nun.

At kagaya ni Walden, hindi ako naniniwalang dapat pag-awayan ang mga islang ito. Puwede naman itong pakinabangan ng lahat. Ang hindi pa maganda rito ay nagsisigasigaan ang mga Intsik at binabalewala ang ibang bansang may legal na basehang angkinin ang mga lugar na pasok sa kanilang mga teritoryo.



Hindi sa nagdadamot tayo kungdi tingnan nating may pangangailangan din ang Pilpinas na dapat nating tugunan at ipaglaban.

Suportahan natin ang ating legal na pag-angkin sa mga lugar na ito. Malay natin baka nandiyan lang ang sagot sa pangangailangan natin sa langis at pagkain.

No comments:

Post a Comment

Thank your for your comments...you can likewise email the author at monleg@gmail.com