Nagustuhan ko ang talumpati ni PNoy sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA).
Dahil Pilipino at minsa'y balbal pa ang kanyang ginamit na wika, naniniwala akong naintindihan maging ng pangkaraniwang mamamayan ang kanyang mensahe.
Nakakatuwa ang mga salitang UTAK WANGWANG, TONGPATS, MADYIK, BUWENAS, 5-6 at DELIHENSIYA. Gumamit pa siya ng NAMAN upang bigyang diin ang kababaan ng ipinapakitang kinikita ng mga propesyunal sa bansa upang hindi magbayad ng malaking buwis.
May mga patutsada siya laban kay Gloria at gayundin sa Tsina. Aniya, "Ang Pilipinas ay sa Pilipinas, kapag tumapak ka sa Recto Bank, para ka na ring tumapak sa Recto Avenue."
Banat pa ni PNoy: "Wala tayong balak mang-away, pero kailangan ding mabatid ng mundo na handa tayong ipagtanggol ang atin. Pinag-aaralan na rin po natin ang pag-angat ng kaso sa West Philippine Sea sa International Tribunal for the Law of the Sea, upang masigurong sa mga susunod na pagkakataon ay hinahon at pagtitimpi ang maghahari tuwing may alitan sa teritoryo."
Kung pangkaraniwang kang Pilipino tiyak na sasaya ka rito dahil alam mong handa ang pangulo mo na ipagtanggol ang kasarinlan ng bansa kung ito man ay laban sa napakalaking bansang tulad ng Tsina.
Ano kaya ang sasabihin ng mga Intsik ukol dito?
At para kay Gloria eto ang sabi ng Pangulo: "May mga nagsasabing pinepersonal ko raw ang paghahabol sa mga tiwali. Totoo po: Personal talaga sa akin ang paggawa ng tama, at ang pagpapanagot sa mga gumagawa ng mali—sino man sila. At hindi lamang dapat ako ang namemersonal sa usaping ito. Personal dapat ito sa ating lahat, dahil bawat Pilipino ay biktima nito.
"Ang mali—gaano katagal man ito nanatili—ay mali pa rin. Hindi puwedeng “Oks lang, wala lang iyan.” Kapag kinalimutan natin ang mga ito, mangyayari lang ulit ang mga kamalian ng nakaraan. Kung hindi magbabayad ang mga nagkasala, parang tayo na rin mismo ang nag-imbita sa mga nagbabalak gumawa ng masama na umulit muli."
Tama ka PNoy, OKS lang na habulin si Gloria at ang mga kawatang tulad niya sa mga pagkakasala nila sa bayan.
Pero ang mas nakakatuwa sa kanyang talumpati ay ang tungkol sa PAGCOR o ang Philippine Amusment and Gaming Corporation.
Ani PNoy: "Ang totoo nga po, marami pang kalokohan ang nahalungkat natin. Halimbawa, sa PAGCOR: kape. Isang bilyong piso po ang ginastos ng dating pamunuan ng ahensya para sa kape; sa isandaang piso na lang po kada tasa, lalabas na nakakonsumo sila ng sampung milyong tasa. Baka po kahit ngayong iba na ang pamunuan ng PAGCOR ay dilat na dilat pa rin ang mata ng mga uminom ng kapeng ito. Hanapin nga po natin sila, at matanong: nakakatulog pa po ba kayo?"
Kapansin-pansin sa talumpati ni PNoy na pina-iigiting niya ang nasyonalismo. Hinamon niya ang sambayanang huwag hanapin ang mali sa kapwa Pilipino kungdi ang mga magaganda at ama.
"Tapusin na po natin ang kultura ng negatibismo; iangat natin ang kapwa-Pilipino sa bawat pagkakataon. Bakit po ang iba, ang hilig maghanap ng kung anu-anong pangit sa ating bayan? At napakahirap—parang kasalanan—na magsabi ng maganda? Naalala pa po ba natin noong huling beses tayong pumuri sa kapwa Pilipino?"
"Itigil na po natin ang paghihilahan pababa. Ang dating industriya ng pintasan na hindi natin maitakwil, iwaksi na po natin. Tuldukan na po natin ang pagiging utak-alimango; puwede bang iangat naman natin ang magaganda nating nagawa?
"Kung may nakita kang mabuti, huwag kang magdalawang-isip na purihin ito. Kapag nakita mo ang pulis sa kanto, nagtatrapik nang walang kapote sa ilalim ng ulan, lapitan mo siya at sabihing, “Salamat po.”
Naisip ko tuloy, nagbabasa na ba si PNoy ng mga isinulat ni Antonio Gramsci, ang Italyanong sosyalista na ang buod ng mga isinulat ay nakatutok sa "cultural hegemony" o iyong pagbasag sa nakaugaliang kultura upang maisulong ang tunay na rebolusyon?
Bagamat maraming magsasabi na kapos ang talumpati ni PNoy upang maipakita ang "vision" para sa Pilipinas na pinapangarap niyam, sa tingin ko ay naisagawa niya ito.
Para kay PNoy ang Pilipinas ay dapat pagsumikapang ipagtanggol ng mga Pilipino (kontra mga Intsik at iba pang bansa); Dapat magsumikap ang mga Pilipino upang baguhin ang kultura nito.
Ano ngayon ang vision ng Pangulo?
Nais ni PNoy ang isang Pilipinas kung saan itinataguyod ng mga Pilipino ang pagbabago at pag-unlad.
Sapat na ba ito?
Sa tingin ko kapus pa, pero dahil alam kong hindi naman ganung ideological si PNoy, puwede na itong pagsimulan.
At siyempre, hindi pa ako magpapasalamat. Kungdi katulad ng ginagawa niyang pagbabantay sa pamahalaan, magbabantay din ako.
Tama ba PNoy?
No comments:
Post a Comment