Tuesday, August 30, 2011

English


Ngayon ang huling araw ng Agosto, ang buwan kung kailan ipinagdiriwang natin ang wikang Pilipino. Ang hindi ko alam ay kung ipinagdiriwang din ito sa Central Colleges of the Philippines (CCP). Taas noong ipinangangalandakan kasi ng paaralang ito na "CCP is an English speaking school". 

Pero isa lang ang maipagmamalaki ko, hindi ko kailanman  maipagyayabang na sa paaralang ito ako nagtapos. Ang unang dahilan ay hindi ko gamay ang wika ng mga kolonyalistang Amerikano kaya nga ang blog na ito ay nakasulat sa Pilipino.

Pero kapansin-pansin sa larawan sa itaas na ang dahilan kung bakit nila ito ginagawa ay upang ihanda ang kanilang mga graduates hindi para sa pagpapaunlad ng Pilipinas kungdi ng ibang bansa kung saan makakahanap ng trabaho umano ang mga inhinyero, arkitekto, business administrators, accountants at computer technicians na produkto ng CCP.



Dahil dito, dalawa ang pumasok sa isipan ko. Una ay tila tama nga si James Soriano. Ang English na pamana  ng mga mananakop na Amerikano ay lengguwahe para sa mga nakapag-aral, para sa mga nakapangibang bayan, lalung lalo na ng mga  CCP graduates o para sa mayayaman.

Ang ikalawa ay ang Pilipino ay masasabing wika ng mga tambay, ng mga jeepney, pedicab, taxi drivers at ng kung ano-anong trabaho na puwedeng pasukin ng mga diumano'y walang college degree.

Lumalabas ngayon na inferior ang wikang Pilipino dahil hindi ka nito kayang isalba sa kahirapan. At kung inglesero ka, malamang malayo ang mararating mo.

Kung inglesero ka, elitista ka. Ang tawag mo sa Pilipinas ay Philippine Islands (PI), tulad ng mga kolonyalistang Amerikano, at hindi Republic of the Philippines.

Kung inglesero ka, may passport ka.

Kung Pilipino ang salita mo, pagpadyak, pagkambiyo, pag-martilyo, paghalo ng semento ang kakahinatnan mo.

Sama hindi ba. Maging sa wika ay may tagisan ng uri. Isang pang-elitista, isang pang-dukha.

Kaya nga natutuwa ako na ginamit ni PNoy ang sariling wika natin sa kanyang huling State of the Nation Address. Nangangahulugan ito na hindi man mahalaga sa kanya ang wika, mahalaga sa kanya ang nakikinig. Nais niyang maintindihan ng mga buong bansa ang kanyang mensahe.

Pero ang hindi yata alam ng mga taga-CCP ay hindi lamang English ang kailangan ng kanilang mag-aaral kung nais nila silang mangibang bayan.

Sa Chinese Taipei, bihira ang nakakaintindi ng English kaya dapat kang mag-aral ng Mandarin. Gayundin sa China, o saang bansa ka man magpunta. Ito man ay Korea, Japan, Vietnam, Malaysia, Indonesia, Thailand, France, Germany at Spain.

Nais ko ring ipagdukdukan sa isipan ng mga taga-CCP na mauunlad ang mga bansang ito kahit hindi sila nakapag-salita ng English dahil sarilng wika nila ang kanilang ginagamit. Nagkakaintindihan sila at dahil dito nakabuto sila ng agenda na paunlarin ang kanilang bansa.

Ang tanong ngayon ay: Mapapaunlad ba ng wikang English ang Pilipinas? Itanong natin sa mga taga-CCP at kay James Soriano.



No comments:

Post a Comment

Thank your for your comments...you can likewise email the author at monleg@gmail.com