Tuesday, August 2, 2011

Ulan at kape


"LIKE" ko ang tag-ulan kaysa sa tag-araw. 

Bakit kamo?

Kapag umuulan, masarap matulog. Habang nakahiga ka ay tila ipinaghehele ka ng bawat patak na tumatama sa bubong at hinahabol ng guni-guni mo ang musikang nabubuo sa bawat kalampag at tikatik nito.

Masarap ding kumain kapag umuulan lalu na kung ang ulam ay may sabaw. Nilagang baka, pata ng baboy o kaya'y sinampalukang manok. Panalo. Plus one ika nga sa Google+ o kaya'y like kung sa Facebook.



At pinakamasarap sa lahat ay ang magkape. Langhap pa lang ng barakong kape habang pumapatak ang ulan ay pasadong pasado na habang nagse-surf ka sa internet.

PLUS 1 di ba?

Ito ay kung may kuryente at may internet connection habang umuulan o kaya'y hinahambalos ng malalakas na bagyo ang ating abang bansa.

Pero nitong mga nakaraang taon ay medyo nabawasan ang pag-like ko sa tag-ulan. Lalu noong libo-libong Pinoy ang lumangoy sa malakapeng baha na dulot ng Ondoy.


Kaysa Plus 1 ay Minus 1 na ito dahil hindi na pangkaraniwang ulan ang tumatama rito sa ating bansa.

Nakakaperwisyo na ang ulan.

Hindi na ito ang ulang nakagisnan ko. Ang ulan na ang dahilan ay basain ang mga bukid upang makapagbigay buhay sa mga tulad nating laging Plus 2 ang rice.



Kung hindi naman bumabaha ay sobrang init kapag tag-araw. Nakaupo ka lamang ay pinagpapawisan ka. At kahit hatinggabi na ay maalinsangan pa rin.

Ano ang dahilan at nagkaganito?

Ayon sa mga siyentipiko, ito ay dahil sa pagbabago ng klima na bunsod ng pag-init ng mundo. Sa Ingles, ang tawag dito ay Climate Change.

At umiinit ang mundo dahil sa sobra-sobrang greenhouse gasses na nasa kalangitan. Nagmumula naman ang greenhouse gasses sa ating paggbamit ng mga fossil fuels tulad ng krudo, gasolina o kaya'y uling. Hindi ba't isa sa pamamaraan ng paglikha ng kuryente ay ang mga tinatawag na coal-fired generators.

Hindi na tayo makakaiwas sa epekto ng pag-init ng mundo, ayon sa mga siyentipiko. Wala na tayong magagawa kungdi mag-adapt at harapin ang hamon ng mga suliraning maidudulot ng pagbabago ng klima.

Sa kabilang banda, masuwerte pa rin ang mga Pilipino dahil bagamat mag-iiba rin ang presyo ng extra rice at barakong kape, hindi naman tuluyang maglalaho ang ating bansa tulad noong mga tinatawag na island nations na matatagpuan sa maraming parte ng ating mundo.

Hindi lang sila mababaha, kungdi tuluyang lalamunin ng karagatan ang kanilang mga isla sanhi ng pagtaas ng tubig sa mga karagatan bunsod ng pagkatunaw ng mga icebergs.

At sa gusto man nila o hindi, mangyayari ito sa loob ng 20 hanggang 50 taon, ayon sa mga siyentipiko.

Dito sa Pinas, na kung tawagin ng mga Amerikanong may pinakamalaking kasalanan sa paglala ng global warming ay PI o Philippine Islands, patuloy tayong lalangoy sa kape dahil sa paglala ng pagbaha at matutulog habang ang guni-guni ay nakatingin kung ang tubig ay nasa pintuan na natin.


No comments:

Post a Comment

Thank your for your comments...you can likewise email the author at monleg@gmail.com