Thursday, August 25, 2011

Winner take all


Isa sa mga pinakamahirap tamaan sa karera ng kabayo ay ang winner-take-all. Ang dahilan ay kailangan mong mapili ang lahat ng mananalo sa mga karerang pinaglalabanan sa isang araw. Kung hindi ako nagkakamali ay kailangang mapili ng isang "investor" ang lahat ng mananalo sa siyam na karera.

Dahil dito, kakaunting tao pa lamang ang aking nakikilala na nanalo ng WTA. Isa rito ay si Dodie Gonzales, ang dating tipster ng nagsarang Tumbok at ngayon ay nagbibigay ng tip sa Bandera.

Malaki ang ganansiya kapag nadali mo ang WTA, lalong-lalo na sa pulitika.

Kung sa karera ang WTA ay puwedeng mapanalunan ng higit sa isang tao, sa halalan palaging isa lamang ang nanalo maliban sa mga bumubuo sa municipal at city councils o sa  provincial board.


Dahil isa lamang ang puwedeng mahalal na punong bayan, punong lalawigan at pangulo sa bansa itinuturing na WTA ang kanilang labanan.

At ito rin ang nagiging dahilan, ayon kay Joy Aceron ng Ateneo School of Government (ASoG), kung bakit marahas ang halalan sa Pilipinas.

"Walang power sharing ang ating halalan," ani Joy ng minsan ko siyang narinig na magsalita sa isang forum.

"Kaya karaniwang marahas ang halalan," dagdag pa ni Joy.

Kung isang puwesto lang ang paglalabanan at ang nakataya ay kapangyarihan, tiyak na magiging marahas ang halalan lalu na kung konteksto ng kulturang Pilipino ang magiging basehan.

"Ito ang dahilan kaya nais naming mabago kung paano nahahalal ang ating mga politicians lalu na sa local level," dagdag ni Joy.

Tama nga naman, kasi ang pulitiko sa Pilipinas ay parang mga bata na nag-aaway-away sa isang kendi. Pero kung paparamihin ang kendi, malamang mabawsan ang away.

Naalala ko tuloy ang ermat ko. Nagtataka ako kasi kapag bumibili siya ng paboritog prutas ng pamilya ay laging marami. Isang kaing na mangga, isang kaing na atis, isang piling na saging at iba-iba pa.

Nang naitanong ko ito sa kanya ay nabanggit niyang iniiwasan daw niyang mapahiya kaming mga anak niya sa aming mga kaibigan na nag-aaway-away dahil sa isang saging, mangga o atis.

Ah, galing talaga ng mga nanay.

Kaya nga sa tingin ko ay maganda ang panukala ni Joy at ng ASoG. Kaysa maglaban-laban para sa isang posisyon, paglabanan ang maraming posisyon at bahala na ang malalagay sa mga posisyong ito na mamili kung sino ang itatakda nilang pinuno. Ang pinunong ito ang tatayo bilang panganay ng mga magkakapatid.

Puwede ring ang may pinakamraming boto ang itatalagang punong bayan o punong lalawigan. Ang ibang mas kakaunting boto ang tatayo bilang kasapi ng municipal o city council o provincial board.

Hindi ba't sa magkakapatid mas maraming atis ang pinakabait na anak? Kung maayos kang liderm, mamahalin ka ng taumbayan, at mas marami kang atis, este, boto.

Tama ba classmate Dodie?

No comments: