Tuesday, September 20, 2011

5 Dahilan bakit hindi natin malilimutan ang ating ina

Responsable, malakas, mapag-aruga. Ito ang inilalarawan ng isang Ina sa imaheng ito Noel William.


5. Kung hindi ka inaruga ng nanay mo ay inalipin ka niya sa gawaing bahay.

Kaya ngayon, sanay kang maglaba, mamamalantsa, magluto at mamalengke. Ito ay dahil hinasa ka ng nanay mo upang magkaroon ng pangkaraniwang skills na hindi matatagpuan sa mga konyo mong kabarkada na ang alam lang ay kumain at tumambay.

4. Kahit na sukdulan ang sama ng ugali ng nanay mo, may maganda siyang nasabi tungkol sa iyo.

Kahit galit ka sa nanay mo dahil wala siyang nakikitang iba kungdi ikaw, palagi niyang nababanggit kung gaano kaganda ang pilikmata mo at katangos ng ilong mo, kasabay nito ay ang pagpuna kung bakit ang laki ng mata mo at kay itim ng siko mo.

3. Lagi mong naalala ang amoy ng paboritong ulam ng tatay mo.

Alam mong nasa kusina ang nanay mo at naghahanda siya ng paboritong pagkain ng tatay mo. Amoy pa lamang ng ginigisang bawang at sibuyas ay ulam na kahit alam mong hindi mo halos matitikman ang niluluto dahil gagawain din itong pulutan ng barkada ng tatay mo.

2. Kahit hindi ikaw ang paboritong anak ng nanay mo, pagdating sa away ipinagtatanggol ka niya.

Hindi ka madedehado laban sa iba. Puwede pa kay kuya, ate o kay baby. Pero nakakasiguro kang nasa panig mo ang nanay mo kapag may umaway sa iyo. Alam mong may paglalagyan ang titser mo kapag sa classmate mo siya pumanig sa away ninyo. Maging ang mga tambay sa kanto ay hindi palalagpasin ng nanay mo kung ikaw ang madedehado.

1. Si nanay ang naiisip mo kapag may sakit ka.

Bakit nga ba? Bakit lahat ng sakit na ating nararamdaman kay nanay natin unang isinusumbong? Siguro dahil natural sa mga nanay, kahit na gaano sila kataray, ang magbigay ng haplos pagmamahal.

Ikaw ano ang mga dahilan mo kung bakit hindi mo malilimutan ang nanay mo?



No comments: