Thursday, September 15, 2011

5 dahilan bakit mahirap ang mga Pilipino

Picture shot in Brgy. Sabal, Naga City.


5. Para sa mga Pinoy mas madaling maging mahirap

Mahirap ang Pilipinas dahil para sa mga Pinoy, mas madaling maging mahirap kaysa maging maluwag sa buhay. Isipin mo nga namang kapag mahirap ka, hindi ka masyadong nag-iisip ng kung anu-ano.

Kung mayaman ka, isusuot pa lang problema na. Amerikana ba o polo barong? Lacoste ba o Fred Perry? Dahil kung mayaman ka, ayaw mo namang makita na ang suot-suot mo ay Bench na gawa sa Tsina o kaya'y pirated na Ambercombie and Fitch. Kung mahirap ka, malamang may maisuot ka lang balabal ayos na.

Kapag napili mo na ang isusuot mo, iisipin mo naman kung saan kakain. Agahan ba ay sa Intercontinental Hotel? Pananghalian ba ay sa High Street sa loob ng Global City sa Taguig, sa Makati Polo Club o sa Manila Golf Club o di kaya naman ay pagtitiyagaan mo na lamang na hindi lumayo at magpadeliver na lamang.
Kung sasakyan naman ang pag-uusapan, ang hirap mamili kung Lexus, BMW o kaya ay Benz. Kaya siguro ang daming mayaman na maraming sasakyan, kaysa mahirapang pumili, binili na lang lahat.

At kung panahon ng bakasyon, saan pupunta ang usapin. Magho-Hongkong ba o Singapore? Pero laos na rin ang mga lugar na ito kaya ng iisipin mo ay sa Australia at itatapat mo siyempre sa Aussie Open para mapanood kungdi man ang Serena sisters ay sina Roger Federer, Rafael Nadal o Novak Djokovic.

Kung sawa na sa Australia, puwedeng magtungo sa Europe at doon ay lunurin ang mata sa mga Museums. Siyempre museums ang pupuntahan mo para masabi namang hindi ka lang mayaman, may panglasa ka rin sa kultura. Pero bago ka magtungo sa mga lugar na ito, hindi ka pa nakakaalis ay iniisip mo na kung paano hindi magiging boring ang iyong mahabang biyahe. Kaya siyempre magdadala ka ng mga hand-held games console o kaya ay dadalhin ang iyong tablet o ipads para may magawa habang iniinom ang brandy sa business class.

Bilang mahirap, bakit mo gugustuhing magkaroon ng sariling bahay na mataas na pader, eh di magbabayad ka pa ng amilyar at gagastos ng malaki sa kuryente at tubig.

Ang hirap di ba? Kung mahirap ka, tambay ka lang. Nanonood ng TV sa terminal ng tricycle habang naghihintay ng pasahero o kaya'y nakikinig sa radio habang nagmamaneho ng taxi. Sa iba naman, tambay ka lang habang naghihintay kung may magpapabutingting ng sirang TV, radio o electric fan.

Pero ang pinakamahirap siguro ay kung saan itatago ang yaman, paano lolokohin ang pamahalaan para hindi bayaran ang buwis.

4. Para sa mga Pinoy mas madaling umasa sa iba

Bakit mo naman gugustuhing umangat sa buhay eh palagi namang may dumarating na abuloy o limos. Kay dali yatang "mangalabit penge" kaysa umasa sa sarili para mapaganda ang kalagayan sa buhay.

Hindi mo na kailangang magbanat ng buto, ang kailangan mo lang gawain ay humanap ng puwesto. Mas maraming dumaraan, mas maganda. Mas sira ang iyong damit mas nakakapansin at mas maraming maglilimos. Sabi nga nila, kanya-kanyang puwesto lang.

Kung may anak ka, isama mo na rin para lalo kayong kaawaan para mas maraming malilimos.

3. Malapit ka sa Diyos kung mahirap ka

Mahirap ang Pilipinas dahil mahal ng Diyos ang mahihirap. At dahil milyon-milyong Pilipino ang nasa ilalim ng poverty line, mas malapit ang Pilipinas sa Diyos.

Aanhin mo ang kayamanang pisikal kung may naghihintay sa iyong kayamanang spiritual sa kabilang buhay. Hindi na baleng hindi nakapag-aral si baby, kagustuhan yan ng Diyos. Hindi na baleng nagugutom si junior, kagustuhan yan ng Diyos.

Mas maganda ngang mamatay ng maaga sa gutom o sakit dahil magiging anghel ang mga batang 'yan.

Eh ano kung mahirap, basta mahal ka ni Lord.

2. May insentibo kapag mahirap

Kapag mahirap ka, marami kang kaibigan. Sa bilang pa lang ng mahirap sa Pilipinas hindi ka na maghahanap ng puwedeng maging kasama sa buhay. Eh ano kung gin ang iniinom ninyo o kaya'y syoktong, basta magkakasama sa hirap, ayos na kahit walang kaginhawahan.

Kahit saan ka dumako, may mahirap. Sa ilalim ng tulay may mahirap. Sa gilid ng ilog may mahirap. Sa itaas ng bundok may mahirap. Sa tabing dagat may mahirap. Saan man ay may mahirap kaya kahit saan ka mapunta mayroon kang kakosa.

Kabaliktaran ito ng mga mayayaman na nakatira sa nagtataasang mga condominum. Palaging nag-iisa. Kahit nagvi-videoke nag-iisa. Kahit Chivas Regal ang iniinom nag-iisa. Kung may kasama man, piling piling tao lang.

Mas masarap maging mahirap hindi ba?

1. Masarap maging mahirap

Oo, ito ang numero unong dahilan kung bakit mahirap ang Pilipinas. Mas gusto ng mga Pilipino na naliligo sa kahirapan tulad ni Manny Villar, na ngayon ay itinakwil na ng mga mahihirap dahil matapos nilang makasama sa paliligo sa ilog ng basura ay tinalikuran ang kanyang pinagmulan.

Masarap maging mahirap dahil kinakaawaan. Kung tag-ulan, hindi malaman ng mga local government units (LGUs) kung paano tutulungan ang mga nakatira sa tabing ilog.

Masarap maging mahirap dahil pinag-aawayan. Milyong beses na na ginawang sangkalan ang mahirap para sa iba't ibang kadahilanan. Lahat yata ng pulitiko sa Pilipinas ay para sa mahirap. Sabi nga ni Joseph Estrada, "Erap para sa Mahirap" at sabi naman ni Manny Villar ang kailangan ay "Sipat at Tiyaga". Eh si PNoy ang tirada niya ay "Walang mahirap kung walang corrupt."

Pero lahat ng ito ay hindi naman papatok sa mga mahihirap dahil wala naman talaga silang pakialam kung yayaman sila o hindi. Ang mahalaga ay ang pagiging mahirap.

Kung hindi ka mahirap, wala kang kaibigan, walang donasyon, walang limos at higit sa lahat walang kwenta ang buhay mo. Wala lang.

Ay Buhay by Dong Abay

No comments:

Post a Comment

Thank your for your comments...you can likewise email the author at monleg@gmail.com