Tuesday, September 6, 2011

Bicol

An early morning  view of the majestic Mayon Volcano from the beach of
Brgy. Sogod in Bacacay, Albay.



Masuwerte ang mga Bicolano.

Ito ang naisip ko matapos bumisita sa Brgy. Sogod, Bacaycay, Albay kamakailan.

Lahat ng kailangan para umunlad ang nabanggit na rehiyon ay matatagpuan  kahit saang probinsiya ka pumunta.

Malawak na lupaing matataniman na pinalusog ng mga pagsabog ng iba't ibang bulkan. Mayaman ang mga bundok sa iba't ibang klase ng halaman, hayop, insekto at mga pananm. Maraming ilog na pagkukuhanan ng isda. At siyempre, napakalawak ng karagatang bumabalot sa rehiyong ito mula sa Masbate hanggang Albay.



Walang dahilan kung bakit maghihirap ang mga Bicolano, naisip ko.

Sa dami ng magagandang tanawing puwedeng ipagmalaki ay hindi puwedeng hindi dagsain ng turista ang lugar na ito. Kung adventure ang gusto mo, maraming bundok na maakyat.

Kung gusto mong mag-relax may matatagpuan kang hot springs dahil sa nagkalat na mga bulkan dito. Saang lugar ba dito sa Pilipinas na may matatagpuan kang anim na aktibong bulkang magkakatabi.

Matatagpuan sa Bicol ang Mt. Bulusan sa Sorsogon, Mt. Mayon at Mt. Malinao sa Albay, Mt. Iriga, Mt. Labo at Mt. Isarog sa Camarines Sur. Bawat bulkang ito ay may kanya-kanyang kagandahan, pero walang puwedeng makasabay sa alindog ng Mt. Mayon.

Sa totoo lang masasabi kong dapat bisitahin ng bawat Pilipino ang lugar na ito upang makita nila kung gaano kayaman ang ating bansa.

Maliban sa likas na kayaman ng kapaligiran ng Bicol, hindi maitatatwa ang sipag ng mga Bicolano. Nakuha yata nila ang kasipagan sa kanilang hilig sa maaanghang na pagkain.

Mayaman ang kanilang kultura. Napanatili ang sariling lengguwahe. Sa totoo lang, iba't ibang wika ang iyong maririnig kapag bumisita ka sa Bicol. Ibang wika sa Sorsogon, iba ang wika sa Albay at lalunang iba ang wika sa Masbate.

Ang iba't ibang wika na ito ay nagbunsod ng mayamang kultura.

Hindi lamang mayaman ang kultura ng mga Bicolano, makabansa rin sila. Katunayan nito lamang Sept. 2 ay ipinagdiwang ng mga Bicolano ang ika-146 na kaarawan ni Gen. Simeon Ola y Arboleda, ang huling rebolusyonaryong Pinoy na sumuko laban sa mga mananakop na Amerikano noong Philippine-American War.

Pero nakalulungkot sabihing maraming naghihirap na Bicolano. Sinasalamin ng Bicol, tulad ng ibang rehiyon sa Pilipinas, ang kalagayan ng bansa. Mayaman pero naghihirap ang mga mamamayan.



Isa sa dahilan nito ay kapansin-pansin sa Bicol ang pananatili ng elitistang demokrasya. Ang mga mayayamang nagpapasasa sa kayaman ng rehiyon ang siya ring may hawak ng pulitika. At tradisyunal ang pamamhala ng mga taong ito.

Ayon sa mga nakausap ko, maging ang partylist na Ako Bicol, na nagsasabing sila ang partido ng mga Bicolano ay hindi nagtatrabaho para sa mga Bicolano kungdi pangkaraniwang interes ang inuuna. Hindi raw Ako Bicol, kungdi Kontratista ng Bicol ang dapat itawag sa partidong ito dahil nakopo na ng pamilyang may hawak sa partidong ito ang lahat ng kontrata sa rehiyon.

Kung ganito raw ang kalakaran, kahit anong sipag mo hindi ka pa rin makakaahon sa kahirapan.

Pero naniniwala ako sa anghang ng personalidad ng mga Bicolano. Naniniwala ako na sama-sama silang magsisikap na labanan ang kahirapan, wawakasan nila ang pamamahala ng mga traditional politicians sa Bicol at dadalhin ang rehiyon tungo sa isang makabagong lipunan.

Naniniwala akong sasabog na tila isang bulkan ang galit ng mga Bicolano sa mga walang kwentang lider pulitika at babaguhin nila ang kinabukasan ng rehiyon at ng Pilipinas.

4 comments:

Anonymous said...

na-miss ko bigla ang childhood days ko sa daraga, albay. ganda din ng view ng mayon mula sa bahay namin.

monleg said...
This comment has been removed by the author.
monleg said...

@bengorilya...ganda talaga ng bicol. sarap pa ng pagkain. at ang daling puntahan. by land, sea or air puwede.

Annabelle Doroja said...

Nice photo! I like!