Monday, September 26, 2011

Utanginanyo


May ipinoste akong artikulo sa blog na ito nitong Agosto 2 na ang pamagat ay Ulan at Kape.

Sa blog na iyon ay isinapupliko ko ang aking wagas na pagmamahal sa ulan, gayundin ang unti-unting pagguho ng pagmamahal na ito dahil sa hagupit na idinulot nito sa mga nabiktima ng mga pagbahang dala ng mga ulan ni Ondoy.


Sanhi ng pagbaha, bilyon-bilyong halaga ng ari-arian ang napinsala. Milyon-milyong buhay ang nagbago at daan-daang buhay din ang tuluyang nawala.

Hindi ganitong ulan ang gusto ko. At lalong-lalong hindi ganitong pagbaha ang nakalakihan ko. Hindi na biyaya ang dala ng kalikasan kungdi isang malaking sumpa.

At ang masakit, ang sumpang ito ay hindi dulot ng kalikasan. Ibinabato lang pabalik ng kalikasan ang mala-sumpa ring pagsira natin dito. Ayon sa mga siyentipiko ang malulupit na pagbaha, pagbagyo at maging ng mga sobrang init na tag-araw ay dala ng pagbabago sa klima.

Hindi na ito maitatatwa. Hindi na ito debate. Ito ay isang katotohanang dapat nating tanggapin. At dahil inaasahan na lalo pang lalala ang mga pangyayaring tulad ng Ondoy, wala tayong dapat gawain kungdi pagsumikapang makaagapay sa mga pagbabago sa klima.

Pero bago tayo tumungo sa mga dapat gawain, dapat muna nating matukoy ang dahilan sa pagbabago ng klima. Ayon sa mga siyentipiko, ang pagbabago sa klima o ang pag-init ng mundo ay isang dagok na bunsod ng "industriyalisasyon" sa Europe at sa Northen America, lalo ng Estados Unidos.

Dahil sa industriyalisasyon - o ang proseso na kung saan ang isang bansang dati ay nakabase ang ekonomiya sa agrikultura ay lumipat sa pagbuo ng mga produkto sa mga pabrika - lumaki rin ang pagkauhaw sa enerhiya tulad ng kuryente upang mapatakbo ang mga pabrika.

Sa Europe at maging sa Estados Unidos, ang mga power generators ay karaniwang gumagamit ng coal, na minimina, o di kaya'y crude oil, na siyang pinakamura sa mga gasolina. Kapag ginagamit ang mga fossilized fuels na ito, nagbubuga ang mga power generators ng carbon dioxide.

Pero dahil sobra-sobrang carbon dioxide ang naibuga ng mga bansang ito upang mamintina nila ang industriyalisasyon ng kanilang bansa, nagbunsod ito ng pagbabago sa klima. At nararamdaman nating magpahangga ngayon ang ibinuga ng kanilang mga malahiganteng tambutso o chimneys sa pamamagitan ng mga bahang tulad ng idinulot ng mga pag-ulan noong bumisita si Ondoy.

Ngayon, tama bang tayo ang magdusa sa kanilang mga kasalanan sa kalikasan? Isang pang tanong, oo dapat tayong makaagapay sa lumalalang pagbabago sa pangdaigdigang klima, pero sino ang dapat managot sa gastusing nakatali rito?

Ang aking sagot ay simple. Makatarungan, saan man silipin, na kung sino ang may kasalanan siya ang dapat managot. Period.

Dapat nating singilin ang mga bansa sa Europe, lalong-lalo na ang Britanya o Great Britain na siyang pangunahing bansang nag-industrialized. Gayundin ang Germany, France, Spain at iba pa. Dapat din naging habulin ang Amerika sa kanilang mga utang sa atin at sa susunod pang lahi dahil nilason nila ang klima.

Inaatasan tayo hindi lamang ng mga biktima ng mga pagbaha ng Ondoy, kungdi ng mga susunod pang salinglahing Pilipino na singilin ang mga nagkasala.

Paulanin natin ang ating galit sa mga bansang ito na nagbunsod ng pagbabago sa klima at hayaan nating bumaha ng hustisya. Singilin natin mga utangina nila.



No comments:

Post a Comment

Thank your for your comments...you can likewise email the author at monleg@gmail.com