Saturday, October 8, 2011

Ilibing ang EPIRA


Nakuryente ka na ba?

Ito ang seryosong pinag-usapan namin ng mga katropa nitong mga nakaraang araw. Pero hindi ang usaping nanginig ka ba nung makuryente o naunat ba ang buhok mo nang madali ng mataas na boltahe.

Ang usapan ay nasentro sa tila nakakapanginig na taas ng halaga ng kuryente sa Pilipinas. Ayon sa mga balita, ang Pilipinas ngayon ang may pinakamataas na halaga ng kuryente sa Asya. Mas malaki ang binabayaran natin kaysa sa Japan at as mayayamang bansa rito sa Asya.

Kung baga ay kung sino pa ang mahirap na bansa, tayo pa ang nagbabayad ng malaki sa kuryente. 

Bakit nagkaganito, tanong ng isang barkada bago nag-charge ng kanyang IPhone.

Simple lang ang dahilan, ito ay dahil sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA), ang batas na isinulong ni dating pangulo at ngayon ay congresswoman na si Gloria Macapagal-Arroyo at ng kanyang mga katropa.

Sa totoo lang ang natatandaan ko sa EPIRA ay ang isiniwalat ni dating Akbayan Rep. Etta Rosales na binigyan ang mga kongresista ng mga envelope na naglalaman ng salapi kapalit ng kanilang boto para isabatas ang EPIRA.

Hindi natakot sa bagong batas kungdi isinulong pa ito ng mga kapitalista dahil alam nilang titiba sila dahil dito.

At nakikita natin ngayon na halos walang magawa ang gobyerno sa pagtaas ng halaga ng kuryente. 

Dahil dito, hindi ako nag-atubiling suportahan ang panawagan ng Freedeom from Debt Coalition (FDC) sa National Day of Protest ngayong Okt. 11, 2011. 

Nananawagan ang FDC na ibasura ang EPIRA na siyang ginagamit upang walang humpay na itaas ang presyo ng kurytent. Katunayan, itataas ng Meralco ang kanilang singil ngayong Oktubre ng mga siyam (9) na sentimo.

Maliit lang naman kung tutuusin, pero malaking dagok ito milyon-milyong Pilipino na naninirahan sa mga lugar na siniserbisyuhan ng Meralc. At kapag sinuma mo ang kabuuan ng presyong ito, siguradong aabot ng milyon-milyong piso.

Kaya sa Oktubre 11, suportahan nating ang protesta. Ipaglaban natin ang ating karapatan sa mababang halaga ng kuryente.

Huwag lamang ibasura kungdi ilibing ang Epira.



No comments: