Ang larawan ay mula sa RT.com |
Ipinoprotesta ng mga Kano ang mababang pasahod, karapatang mag-organisa ng unyon, karapatan sa pabahay at marami pang iba.
Naisip ko tuloy na parang Pilipinas lamang ang Estados Unidos, mayaman pero naghihirap ang mga Amerikano.
Habang naghihirap ang mga pangkaraniwang Amerikano, patuloy na yumayaman ang mga kapitalistang Kano. Ganito rin ang sitwasyon sa Pilpinas.
Pero ang tanong ay ano ang uokupahan ng mga Pilipino para maipakita natin ang ating galit sa mga ganid na kapitalista?
Ang suggestion ko ay Occupy the Supreme Court.
Bakit?
Ang Korte Suprema kasi natin ang ginagamit ng mga kapitalista upang maging legal ang kanilang pananamantala sa mga manggagawa, magsasaka at kababaihan.
Numero uno sa pambabastos sa karapatan ng mga sektor na ito si Justice Presbitero J. Velasco, ang judge na sumulat sa desisyon ang pagpapakalbo ay katumbas ng illegal strike. Mababasa ninyo ang ukol dito sa aking blog entry noong June 2, 2011 na may pamagat na Bokal.
Sa isa pang blog na entry na may pamagat na Niluto ng Korte Suprema noong July 5 ng kasalukuyang taon, mababasa na si Justice Velasco rin ang sumulat sa desisyon ng Korte Suprema na nag-uutos na muling magkaroon ng referendum kung tinataggap ba o hindi ng mga magsasaka ang Stock Distribution Option o ang lupa na ilang dekada na nilang sinasaka.
Kasama rin sa Justice Velasco sa mga hukom na bumoto pabor kay Danding Cojuangco sa usapin ng coco levy fund. Si associate justice Lucas Bersamin ang sumulat sa desisyon at ito inayunan nila ang panig ni Cojuangco na nagsasabing ang pinambili ni Cojuangco sa mga shares ng San Miguel Beer ay hindi galing sa coconut levy na kinukuha sa mga magsasaka.
Kasama ni Velasco at Bersamin na bumoto sa usaping ito sina Chief Justice Renato Corona, justices Teresita Leonardo De Castro, Mariano Del Castillo, Roberto Abad, Martin Villarama Jr. at Jose Perez
Kamakailan lamang ay muling sinabotahe ng Korte Suprema ang kinabukasan ng libo-libong manggagawa ng Philippine Airlines na kasapi ng Flight Attendants and Stewards Association of the Philippines (FASAP) nang ayunan nito ang PAL management.
Binaliktad ng SC ang nauna nitong desisyon na ibalik sa trabaho ang 1,400 manggagawa na tinanggal ng PAL noong 1998.
Ilan lamang ito sa mga kasalanan ng Korte Suprema sa mga mamamayan.
Kaya kung ako ang tatanungin kung saan gagawain ang Occupy Philippines, walang iba kung hindi sa Korte Suprema.
Ano sa tingin ninyo?
No comments:
Post a Comment
Thank your for your comments...you can likewise email the author at monleg@gmail.com