Thursday, December 29, 2011

Wish ko sa Year of the Dragon


Year of the Dragon daw ang 2012. Parang nakakatakot pero interesting din naman. Nakakatakot kapag literal mong iisipin na may mga dragon kang kakalabanin sa 2012. Interesting kapag ang naisip mong dragon ay ang mga napanood mo sa movies o TV.

Itong 2011 na tinaguriang Year of the Rabbit ay dumaan na parang WALA LANG. Dumaan lang. Parang walang nangyari.

Pero masasabi ring dumaan ito na may nakita tayong mga pagbabago.



Nagbitiw si impeached Ombudsman at GMA defender Merceditas Gutierrez. Nasibak sa puwesto at nakasuhan si LWUA administrator Prospero Pichay. Hinahagad na rin ng batas si Gen. Jovito Palparan, na mas kilala bilang Berdugo ng Bayan, dahil sa dami ng kinatay niyang mga operator ng Bayan Muna, na  kaalyado ni Gloria Macapagal Arroyo sa halalan noong 2004 at ni Sen. Villar noong 2010.

Hay, ang politika nga naman. Ngayon kasangga mo, bukas kalaban mo.

Politically, ang wish ko sa 2012 ay tuluyang ma-impeach si Supreme Court chief justice Renato Corona, na tulad ni Gutierrez at Pichay, ay isang GMA defender. Kailangang matanggal si Corona sa puwesto at mapalitan ng isang Chief Justice na hindi magpapagamit maging sa taong nagluklok sa kanya.

Sa ekonomiya, sinong Pinoy ba ang hindi naghahangad na umunlad ang ating bansa? Sinong OFW ba ang hindi naghahangad na rito magtrabaho sa Pilipinas at dito hanapin ang kanyang kapalaran?

Pero bago mangyari ito, kailangan munang magkaroon ng mga trabahong makabubuhay ng marangal sa mga Pilipino. 'Yong trabaho na hindi kada limang buwan ay tila nasusunog ng apoy mula sa isang dragon.

Kaya sa 2012, nais kong makita ang END ng Endo. Simple lang naman, kung may maayos na trabaho ang mga Pilipino, mas makakatulong sila sa pag-unlad ng Pilipinas. Paano magiging tulad ng isang Dragon ang ekonomiya ng Pilipinas kung patuloy na ang mga manggagawa nito ay itinuturing na sisiw na isang kahig isang tuka.

Personally, gusto kong makatapos ng isang full marathon sa 2012. Maliban sa bragging rights na kasama nito, matagal ko na rin kasing gustong maekesan ito sa aking bucket list.

Kaya asahan ninyo na sa susunod na Quezon City International Marathon (QCIM) nasa starting line ako ng full marathon participants.

No comments: