Tuesday, January 17, 2012

Ang Reyna at ang Corona


Larawan mula sa spot.ph
Kung ang impeachment proceeding upang mapatalsik si Chief Justice ay isang chess, maituturing na kaya nais ma-check mate si Renato Corona ay upang makain ang Reyna, na walang iba kungdi si Gloria Macapagal-Arroyo.

Huwag nating kalimutan na kaya sinusubukang mapatalsik si Corona ay dahil dinidepensahan niya si Reyna Gloria, na kasalukuyang nagbabakasyon sa veterans hospital.

Oo, na-immobilize na si GMA pero hindi ibig sabihin ay naigupo na siya. At kung magpapatuloy ang paglitis sa dating pangulong itinuturing na mas masahol pa sa yumaong diktador na si Marcos kung ang usapin ay kabuktutuan sa pamamahala, tila suntok sa buwang mahahatulan ito dahil ang nakaupo nga sa Korte Suprema ay pawang mga tauhan ni GMA, na inisyuhan ng arrest warrant dahil salang electoral sabotage.


Pero alam naman nating isa lamang ang electoral sabotage, kaugnay sa senatorial elections noong 2007, sa mga kasong kinakaharap ng Reyna.

Nais din siyempre nating managot ang Reyna sa mga kinasangkutan niyang Fertilizer Scam, kung saan ginagmit ang P728 milyong kaban ng bayan upang makapamili ng boto. Sangkot din dito si Agriculture undersecretary Joc-joc Bolante.

Siyempre, sino ba naman ang hindi makaaalala sa “Hello, Garci” Controversy kung saan inamin ng Reyna na tinawagan niya si Comelec commissioner Virgilio Garcillano at inutusan ang huli na dayain ang botohan sa pagkapangulo noong 2004. Dahil dito, napanood nating nag-I'm Sorry ang reyna sa isang speech sa television.

Nandiyan din ang NBN-ZTE deal at sa pagkakataong ito, hindi lang ang Reyna kungdi mismong ang Hari ay nasangkot. Lumubo umano ang kontrata dahil humingi ng kickback sina dating COMELEC Chair Benjamin Abalos at First Gentleman Mike Arroyo.

Dahil alam ng Reyna na malalagay siya sa alanganin pagkaraang bumaba ng Palasyo, hinirang niya sina Merceditas Gutierrez sa Ombudsman at si Corona sa Korte Suprema upang siya ay depensahan. Alam nating lahat na inihabol lamang si Corona bilang Chief Justice kaya nga ang bansag sa kanya ay midnight appointee.

Nagbitiw na si Merci dahil sa pressure mula sa taumbayan. Pero tila palaban itong si Renato na walang balak magharakiri bagkus gusto pang mandamay at nagsabing aalis lamang siya sa Korte Suprema kung patay na. At sino naman kaya ang gusto niyang kumatay sa kanya?

Mula nang maupo si Corona, wala siyang ginawa kungdi harangin ang aksyong ng pamahalaang Aquino upang panagutin sa batas ang Reyna.

Una, binalewala nito ang Executive Order No. 1 na bumubuo sa Truth Commission na ang trabaho ay imbestighan ang pagmamalabis ng Reyna noong nasa trono pa ito.

Para sa akin hindi na mahalaga ang ibang dahilan kung bakit tanggaling ang Corona ng Reyna. Kesyo, hindi siya nagsumite ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Kesyo may mga ill-gotten wealth siya. Kesyo hindi niya naiulat kung paano ginamit ang Judicial Development Fund (JDF) at ang Special Allowance for Judges (SAJ).

At marami pang keso, este, kesyo.

Ang mahalaga sa akin ay matanggal ang Corona ng Reyna upang tuluyan itong managot sa batas at sa kasalanan niya sa mamamayan.

No comments:

Post a Comment

Thank your for your comments...you can likewise email the author at monleg@gmail.com