Sa wakas, nakarating na rin ako sa Antipolo. Hindi dahil isa akong deboto, kungdi kasama ito sa listahan ng mga nais kong puntahan. Sabi nga ng lumang awitin, "Tayo na sa Antipolo at doon..."
At pagkatapos ng napakahabang panahon, narating ko rin ang pamosong lungsod.. Pero kaysa matuwa ay tila nalungkot ako dahil ang Antipolo sa awitin ay kakaiba sa aking nasaksihan.
May mga lider kasi tayong magpahangga ngayon ay may bihag pa rin ng colonial mentality. Mga lider na ang tingin sa pag-unlad ay katumbas ng komersiyalismo.
Isang nakakahindik na ehemplo nito ay ang Antipolo Cathedral, isang simbahang matanda pa sa ninuno ng mga kasalukuyang lider ng Antipolo. Pero ano ang kanilang ginawa, aba'y nagpatayo ng mall sa bukana ng simbahan.
Kaya bago ka makapasok sa simbahan ang sasalubong sa iyo ay Starbucks at McDonalds, dalawang fastfood na nagmula sa Estados Unidos, ang bansang umalipin at pumatay sa libo-libong Pilipino noong Fil-American war. Pero siyempre, ito ay ibang usapin.
Sa larawan sa ibaba ay makikita ang mall, na tila isang simbolo ng komersiyalismo at colonial mentality na umaanay sa kasaysayan ng simbahan, ng lungsod at sa hinaharap ng mga taal na taga-Antipolo.
Dahil sa mall na ito, nawalan din ng puwesto ang mismong mga taga-Antipolo para makapagbenta ng suman, kasoy at kung ano-ano pang tunay na pagkaing Pilipino. Hindi ko maisip kung paano maipagmamalaki ito ng mga lokal na lider ng Antipolo. Malaki itong trahedya.
Maging sa munisipyo ng Antipolo ay kitang kita ang komersiyalismo, tila ibinebenta ng Mayor ng lungsod ang sarili sa naglalakihan niyang larawan. Kung mabubuhay ang istatwa ni Rizal malamang na mismong ang bayani ang magtatangal ng mga tarpaulin. Tinawag pa namang Rizal ang lalawigang sumasakop sa lungsod. Ito ba ang dapat na iganti ng mga namumuno sa lungsod sa ating bayani?
Mas maganda pa tuloy ang larawang ito na nakatalikod si Rizal kaysa nakaharap dahil nga sa mga walang kuwentang tarapualin sa harapan ng munisipyo.
Ano naman kaya ang masasabi ng magiting na bayaning si Juan Sumulong?
Hindi ko rin alam ang sasabihin ni Juan M. Sumulong, ang magiting na dating Senador na nagpasimuno upang ang Morong at Rizal ay mapagsama upang maging isang lalawigan at tawagin itong Rizal Province.
Pero sigurado akong hindi na ito mapakali sa kanyang libingan. Nagnanais bumangon at bastunin ang mga bumababoy sa Antipolo.
No comments:
Post a Comment
Thank your for your comments...you can likewise email the author at monleg@gmail.com