Dapat bang magbitiw ni Sec. Ronald Llamas dahil sa pamimili ng pirated DVDs?
Puwede ko itong sagutin ng pabalagbag sa sabihing bakit ka magre-resign sa isang bagay na ginagawa ng marami? Puwede ko ring sabihing jologs lang gumagawa niyan kasi puwede ka namang mag-download, he he he.
Pero bago natin sagutin iyan ay pag-usapan muna natin ang basehan ng isinusumbat kay Sec. Llamas na diumano’y paglabag sa batas na bumbalot sa “intellectual property right”. At upang maintindihan natin ang isyu, kailangang maintindihan muna natin kung ano ang sinasabing “intellectual property right” o IPR. Saan ba ito nagsimula? Paano ito ginagamit upang maprotektahan diumano ang “inventors” at kumpanya na gumagastos sa research upang makabuo ng bagong teknolohiya, sangkap, gamit, gamot, pelikula, at awitin.
Ang isa kasi sa magandang sumambulat sa isyu na ito ay napag-uusapan ang ukol sa karapatan ng mamamayan, lalu na yong katulad ni Sec. Llamas na wala namang pambili ng mga mamahaling original versions ng mga DVDs, sa impormasyon, sining at teknolohiya.
Nabuo ang konsepto ng copyright noong panahon ni Queen Elizabeth (1558-1603) upang mabigyan ng monopolyo ang mga Britons sa kanilang imbensyon. May panahon pa sa kasaysayan ng United Kingdom na ipinagbawal nila ang pag-export ng mga makinarya dahil kinokopya ito ng kanilang mga katunggaling bansa sa iba’t ibang industriya.
Samakatuwid, ginamit ang konsepto ng copyright at patent upang maprotektahan ang kanilang ekonomiya at ang tubong nakukuha mula sa mga imbensyong ito.
Sa kasalukuyang panahon ganito rin ang gamit sa copyright, Hindi ito nakatutok upang proteksyonan ang mas nakakaraming makikinabang sa sining at agham kungdi upang protektahan ang ganansiyang pera sa imbensyon at iba pang diumano’y likha ng kaisipan tulad ng photograpiya, musika o kaya ay pelikula.
Isang ehemplo nito ay nung pinalagan ng Korte Suprema ng Pilipinas ang nais ng mga multi-national companies na ibasura ang Cheaper Medicines Law. Sinasabi ng mga multinational companies na niruyakan ng Pilipinas ang kanilang karapatan nang payagan ang manufacturing ng mga gamot na pag-aari nila. Pinayagan din ng Cheaper Medicines Law ang importation ng mga gamot na binuo sa ibang bansa tulad ng India bagama’t “pag-aari” ito ng mga multinational companies.
Hindi kakaiba rito ang usapin ukol sa pagbili ni Ronald Llamas ng DVD. Ang tanong ay sino ba ang may gusto na ipagbawal ang mga pagbebenta ng mga DVD na mabibili sa murang halaga? Walang iba kungdi ang Hollywood, music at tech companies.
Pero tulad ng mga gamot na ang layunin ay maisaayos ang ating pangangatawan, kailangan din natin ng mga “generic” DVDs upang mapalawak ang ating kaisipan at pagpapahalaga sa sining. Kaakibat na kasi ng right to education ang right to access information, lalu na sa internet. Pero magagawa ba natin ito kung ang halaga ng bluray discs ay libo-libo? O ang halaga ng mga software ay halos kayamanan na sa pangkaraniwang Pilipino.
Tandaan natin na ang pagsunod ng ating pamahalaan sa copyright at intellectual property right ay isang pagyuko sa pressure mula sa mga higanteng korporasyon na ang hangad ay pagkakitaan nang husto ang kanilang mga produkto at upang protektahan diumano ang ating mga sariling industriya ng pelikula at musika.
Pero kung tutuusin mas makikinabang tayong mga Pilipino kung mas popo-pretakahan natin ang karapatan natin sa sining at agham kaysa ang mga karapatan ng mga higanteng korporasyon na ang tanging hangad ay tubo.
Mas maganda siguro kung papangatawanan ni Ronald Llamas ang pagiging Digital Rights advocate at siya ang magiging kampeon ng mamamayan sa karapatan nila sa impormasyon.
No comments:
Post a Comment
Thank your for your comments...you can likewise email the author at monleg@gmail.com