Friday, January 27, 2012

Philip Pestano case at ang Akbayan

Tinanggap ng mga magulang ni Philip na sina Evelyn (gitna) at Felipe
 (ikalawa sa kanan) ang award mula kay dating Akbayan rep. Risa Hontiveros (ika-2 
sa kaliwa) at Akbayan chair Perci Cerdana (dulong kaliwa) ang parangal 
sa kabayanihan ng kanilang anak nitong Enero 23 sa14th founding annviersary ng 
 Akbayan Party  na idinaos sa Quezon City Sports Club. (larawan ni Nando Jamolin)
NITONG nakarang Enero 23, 2012 ay pinarangalan ng Akbayan Party ng posthumous award si Philippine navy ensign Philip Pestano dahil sa kanyang kabayanihan 16 na taon na ang nakakaraan.

Hindi pinirmahan ni Philip ang karga ng BRB Bacolod City dahil natuklasan niyang ang kargada ng barko ay kahoy na illegal na tinroso, sako-sakong shabu na nagkakahalaga ng milyon- milyong piso at mga armas na ibebenta sa Abu Sayyaf.

Si Philip ang cargo master ng nabanggit na barko at kaysa makipagkutsabaan sa mga opisyal ng navy na malamang nais patabain ang kanilang mga wallet ay hindi niya pinirmahin ang mga hindi deklaradong kargamento.



Dahil dito, nakatanggap ng death threat si Philip. At maging ang kanyang mga magulang ay nakatanggap ng mga mensaheng huwag pabalikin si Phililp si barko.

Pero dahil prinsipyado, hindi tinakasan ni Philip ang responsibilidad at hinarap ang anumang posibleng mangyayari sa kanyang buhay.

At sa edad na 24 anyos, nagwakas ang buhay ni Philip.

Pinalabas ng ilang opisyal ng navy na nagpatiwakal si Philip. At sa kabila ng pagpupursigi ng mga magulang ni Philip na imbestigahan ang kaso dahil may mga ebidensiyang nagtuturo na pinaslang ito at hindi nagpakamatay, nagbulagbulagan lamang si Ombudsman Merceditas Gutierrez.

Dahil dito, kasama sa impeachment case na isinampa ng Akbayan Party laban kay Gutierrez ang kaso ni Philip, na kinikilala ng partido bilang isang bayani dahil sa kanyang paglaban sa katiwalian.

Bagamat namatay si Philip dalawang taon bago nabuo ang Akbayan Party, ipinaglaban ng makabagong partido ang karapatan ni Philip at ng kanyang pamilya na makakuha ng hustisya.

Dinala ng Akbayan sa kalsada at sa korte ang laban ni Philip.

At nagsimulang luminaw ang laban para sa hustisya ni Philip noong magbitiw si Merci. Nawala na kasi ang pinakamalaking balakid upang maimbestigahan at makasuhan ang mga opisyal na nagtulong-tulong upang pagtakpan ang pagpasalang sa navy ensign.

Nito ngang Enero 10 ng kasalukuyang taon ay binaliktad ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales ang naunang desisyon ni Merci na pawang mga circumstantial evidence lamang ang mayroon at hindi ito sapat upang maibilanggo ang mga pumatay kay Philip.

Ngayon ay nahaharap sa salang pagpatay sina Capt. Ricardo Ordonez, Cmdr. Reynaldo Lopez, Hospital Man 2 Welmenio Aquino, Lt. Cmdr. Luidegar Casis, Lt. Cmdr. Alfredrick Alba, Machinery Repairman 2 Sandy Miranda, Lt. Cmdr. Joselito Colico, Lt. Cmdr. Ruben Roque, PO1 Carlito Amoroso at PO2 Leonor Igcasan.

Bagong taon, bagong pag-asa sa pamilya ng mga Pestano na makukuha nila ang hustisya para kay Philip. Bagong taon, bagong tagumpay para sa Akbayan. Sabi nga nila, kapag Akbayan ang lumaban, panalo ang mamamayan.

No comments: