Nagpapasalamat ako sa aking ama dahil tinuruan niya akong magkape. Nagsimula iyon noong nagpapatimpla siya ng instant coffee. Siyempre, tinitikman ko muna upang malasahan kung ayos na sa panlasa niya.
Dahil sa aking pagiging masunurin, nakabuo ako ng sariling panlasa sa kape at kung paano ito titimplahin.
Pero nagsimula akong mag-aral ukol sa kape nang buksan ng isang kaibigan ang aking pag-iisip na ang instant coffee ay itinuturing ng mga talagang mahihilig sa kape bilang "kalawang", hindi dahil sa kulay at lasa nito kungdi dahil sa dami ng chemicals sa instant coffee.
Sabi nga nila sa instant coffee, hindi lang yong "juice" ng kape ang iniinom mo kungdi mismong maging ang sunog na coffee beans na pinagmulan ng instant coffee plus siyempre yong mga chemicals na ginagamit upang hindi mamuo ang coffee granules at powder.
Dahil dito, nagpapasalamat ako sa aking kaibigan dahil binuksan niya ang panibagong mundo ng kape. Aniya'y ang kape ang legal na droga ng ating mundo dahil totoo namang nakaka-high ang caffeine.
Mahilig akong magkape, pero hindi ako mahilig na coffee bar. Sa tingin ko nga ay hindi kape ang binabayaran mo sa mga coffee shops, kungdi yong lugar o yong libreng wifi. Sa aking pananaw, overrated pa nga ang mga coffee shops dahil kung ano-anong kape ang sine-serve na kesyo nanggaling sa kung saan-saang lugar.
Pero hindi ka na dapat lumayo. Dito lang sa Pilipinas ay sandamakmak ang iba't ibang klase ng kape. Hindi rin kinakailangang mamamahalin, bagamat handa akong magbayad ng tamang presyo upang mapunuan ko ang aking adiksyon sa kape at caffeine. To each his own drug, to each his own addiction, ika nga.
Simulan natin sa Barako, ang kapeng nagmumula sa Batangas. Hindi ko na sasabihing ito ang pinakamasarap na kape sa buong mundo, pero ito ang may pinakamalakas na tama sa mga kapeng natikman ko. Sa totoo lang, dumadayo pa ako sa Mataas na Kahoy sa Batangas o kaya sa Lipa City upang umiskor ng kapeng barako.
Siyempre, nandiyan din ang mga kapeng nagmula sa Mountain Province na talaga naman kagigiliwan mo. Kaya't tuwing magagawi ako sa Baguio, hindi puwedeng di ako dadaan sa palengke upang bumili ng lokal na bersyo ng Highland coffee. Masarap naman talaga ang kapeng mula sa bundok.
Kung magagawi ka sa Negros, masarap din ang kape dun na nagmumula naman sa bundok ng Kanlaon. Halos malasahan mo na ang uling na ibinuga ng Kanlaon volcano kapag ito ang ininom mo. Kaya't talaga namang napakasarap.
Kung nasa Mindanao ka at magagawi ka sa Maguindanao, dumayo ka sa palengke ng Cotabato City, doon may nagbebenta ng "native" coffee na nagmula naman sa kabundukan ng nasabing lugar. Masarap! Matapang. Malakas ang amats at hindi commercialized ang presyo. Nagulat nga ako na ang Maguindanao ay may sariling kape, at sa tingin ko mas magandang tawagin ito na Moros' Brew o Moros' Blend, o kaya ay Sultan Coffee.
Pero kung natagpuan mo ang sarili mong nasa Bicol subukan mo ang Bicol Blend. Hindi ito maanghang tulad ng Bicol Express, pero malakas ang tama. Gaganahan kang kumain ng laing. Kaya't kung mamamasyal ka sa lugar na ito o kung hinila ka ng iyong mga paa sa Bicol o naimbitahan ng iyong fafa, wag kalimutang umiskor ng kape sa Sorsogon. Sinisiguro kong malilimutan mo ang pangalan mo kapag ito ang natikman mo.
Ang pinakabago kong kapeng natikman ay nagmula sa Quezon. Bigay ito ng isang kaibigan. Napakasarap din. Pinaghalong Barako at Bicol blend ang lasa.
Nakakapagtaka nga ang mga Pilipino kung bakit ano-anong kape ang tinitira. Ala eh, napakaraming masasarap na kapeng dito mismo sa Pilipinas nagmumula. At baka magulat ka pa na ang laman ng sisidlang may tatak na Folgers at ibang mamahaling kape ay nagmula sa Pilipinas.
Kaya't sa susunod na iiskor ka ng kape upang mapagbigyan ang iyong kaadikan, mag-isip ka muna. Mas masarap ang Pinoy coffee. At hindi hamak na mas masarap kung ikaw mismo ang nag-brew, hindi iyong mga over-rated na barista na ang poporma eh ang ginagawa lang naman ay gumamit ng di hamak na kemamahal na gamit.
Isang tagay sa kapeng Pinoy!!!
No comments:
Post a Comment
Thank your for your comments...you can likewise email the author at monleg@gmail.com