Kapag may dinaramdam ka sino ang naiisip mo
?
Marami na kasing pagkakataon na kapag dinadapuan ako ng sakit, ang nanay ko ang naiisip ko. Automatic iyon. Naiisip ko agad si Ermat.
Sigurado kasing alam niya ang gagawain kung paano maiibsan ang nararamdaman ko. Iba talaga ang mga nanay, haplos lang ng kanilang mga palad ay parang nawawala na ang sakit na iyong nararamdaman.
Sa mga pagkakataong ganoon, mararamdaman mo kung gaano kahalaga ang iyong ina sa kabila ng mga isinusumbat nating pagkukulang niya.
Ayaw kasi natin ng pakialamerang nanay, madaldal na nanay, mataray na nanay o kaya ay istriktong nanay.
Naranasan kong lahat ito sa nanay ko. Nakikialam sa buhok ko, dinadakdakan ako kapag may mga ginawang iresponsable, tinatarayan kapag may mga pagkakamali at itinatama sa tingin niya ay wastong ugali.
Pero nong napaaway ka sino ba ang kakampi mo? Parang shock absorbers natin ang mga nanay, sila ang tumatanggap ng mga kaldag sa ating buhay di ba?
Pero higit sa shock absorbers, sila ang taga sa ating buhay. Tagasalo sa kinasangkutan nating problema, tagapagpaalala kung kailangan na nating magpahinga, taga-tulak kung kailangan natin ng motibasyon, at marami pang taga.
Sila rin ang ating tagapagtanggol at taga-usig ng kaaway natin. Minsan umuwi akong duguan dahil nasaktan ng kapitbahay. Inihabla ni ermat ang gagong kapitbahay at sa takot ay napilitang mangibang bayan.
Noon namang nabali ang paa ko at kailangang lagyan ng brace, si Ermat ang nagdala sa akin sa ospital. Kapag kailangan ko ng pera noong college, si Ermat ang hingian.
At ngayon si Ermat pa rin ang nagpapaalala kapag kami ay nagkikita, na tila patak ng ulan sa tag-araw, at tinatanong niya, "Nagpe-pray ka pa ba?" o sasabihin niyang "I am always praying for you."
O kaya ay, "May suka ka pa ba?" na ang ibig niyang sabihin ay ang pamosong sukang Paombong na alam niyang paborito ko.
Kaya nagpupugay ako sa aking ina, sa kabila ng kanyang pagkukulang, he he he, sa araw ng kababaihan.
Isa siyang TNB, Tunay na Babae, na makaraan kaming alalayan sa aming paglaki, pag-aaral at itinulak upang gawain ang gusto naming mangyari sa aming buhay ay nilabanan ang Big C at nagtagumpay.
Yes! My mom is a cancer survivor. Patuloy niya itong nilalabanan habang inaaalalayan naman ang kanyang mga apo sa pagsagupa sa anumang ibibigay ng buhay.
Kaya para kay ermat at sa lahat ng mga kababaihang nagbibigay ng higit sa inaasahan sa kanila bilang ate, ina, lola at kasama, narito ang awiting pinamagatang Ugoy ng Duyan upang ating maalala ang kanilang kabayanihan.
No comments:
Post a Comment
Thank your for your comments...you can likewise email the author at monleg@gmail.com