Naniniwala ako na kung hindi naging boksingero si Manny Pacquiao, siya ngayon ay isang pari.
Kung hindi man siya pari ay sa hinaharap malamang na maitakda pa siyang Santo ng Simbahang Katoliko.
Naisip ko na puwede siyang maging santo ng mga boksingero, dahil napakadelikado ng sport na ito. Ilang boksingero na ba ang namatay, hindi man sa ibabaw ng ring, ay pagkaraang makipagbasagan ng mukha.
Aba'y napaka-relihiyosong tao nitong si Manny. Bago lumaban nagdarasal, pagkatapos ng laban, matalo man o manalo ay lumuluhod, tumitingala at nagdarasal.
Katunayan ginamit pa ng Nike bilang advertisment ang kanyang pagiging relihiyoso. Kung ang sex ay bumebenta, bumebenta rin ang relihiyon di ba?
Sa kabila ng pagiging sabungero, babaero, sugalero at iba't iba pang "ero", isang religious icon na si Manny at dahil nga rito ginamit pa siya ng Simbahang Katoliko upang maging anti-Reproductive Health icon.
Sabi nga ni Manny, kapag siya ay nagsasalita marami ang nakikinig. Pero may sumeseryoso ba sa kanya?
At nitong mga nakaraang araw, sinabi ni Pacquiao na nakausap daw niya ang Diyos.
Iba't iba ang reaksyon ng mga tao rito. May nagsabing "Nasobrahan na yata ng suntok sa sentido." o kaya naman ay "Hmmm, sigurado ba siyang Diyos ang kumausap sa kanya sa panaginip at hindi si Chavit (Singson)."
Ako, hindi ako magbibigay ng puna. Naalala ko kasi ang kuwento ni Joseph the Dreamer sa Bibliya. Nabasa na rin kaya ito ni Pacquiao ngayong siya na Bible Ambassador ng Simbahang Katoliko?
Sa ganang akin, si Pacquiao lamang ang makakapagsabi kung totoong nanaginip siya at kinausap ni Chavit, este, ng Diyos. At tulad ni Joseph, malalaman na lamang nating totoo ang kanyang mga sinasabi kung ito ay magkakatototo.
Kaya, hindi lang pala puwedeng maging santo si Manny, kung magkakatotoo ang kanyang mga panaginip, puwede rin siyang maging propeta.
Prophet Manny? Not Bad. Masarap pakinggan, kaysa Santo Manny.
No comments:
Post a Comment