Friday, April 20, 2012

Ok fine, Doc Aga

OK Fine, kumandidato ka!!!
Hindi ko mapipigil si Aga Muhlach kung gusto niyang tumakbo bilang alkalde ng San Jose, Camarines Sur. Puwede rin niyang subukang maging kinatawan ng mga Bicolano sa Mababang Kapulungan.

Karapatan ni Aga na pumasok sa politika kahit ang kanyang background ay pagiging artista, mananayaw at singer. Ayon sa balita mula sa Inquirer, inilipat na ni Aga ang kanyang residency sa nasabing munisipyo, kung saan nagmula ang kanyang mga ninuno.

Ok fine, wala akong problema kung gusto niyang magsilbi sa bayang ito. Ang totoo ipaglalaban ko pa ang kanyang karapatang maging kandidato laban sa New People's Army (NPA) na naglipana sa Bicol at nagpapabayad sa tinatawag na Permit to Campaign na mas kilala rin bilang Permit to Win.

Ok fine, kumandidato ka Doc Aga, pero siguraduhin mo lang may dadalhin ka sa iyong  kandidatura dahil kung wala  masasabi kong tulad ka lang ng ibang artista na lumilipat sa politika dahil laos na.

Ok fine, whatever. Kahit anong ideyolohiya, basta tanggap mo at naiintindihan mo. Kesyo liberal o sosyalismo ng ngayon ay papalubog na PDP-Laban. Kahit nga mag-Lakas ka pa na ang dala-dala ay Christian Democracy daw pero puro bulok naman.

Ok fine, kung yan talaga ang gusto mo. Pero siguraduhin mo lang may  ideyolohiyang pagbabasehan ang iyong plataporma dahil ayaw kong magaya ka kay Manny Pacquiao na tila isang paro-parong palipat-lipat ng bulaklak sa paghahanap ng masisipsipang partido.

Sa huli, puwede ka pang maging Pinoy Explorer na ang hinahanap ay hindi lang kapangyarihan kungdi totoong pagsisilbi. Iniisip ko kasi na baka gusto mo lang gumaya kay Goma at kanyang asawang si Lucy.

Tandaan mo lang Doc Aga, kahit hindi ako taga-Bicol "Pangako...Ikaw lang" ang aking sisingilin sa mga magiging posisyon mo kung sa Mababang Kapulungan ka maupo at sa mga pamamalakad mo kung magiging punong bayan ka.

Pero "In The Name of Love", dahil "Bagets" ka sa larangan ng politika huwag ka na lang kumandidato dahil ayokong kapag ikaw ay natalo'y sasabihin mong "Kung ako na lang sana" ang nanalo. Kung magkaganito, malamang na mausal mo ang
"Napakasakit, Kuya Eddie!".

Kung magwagi ka naman, huwag mong isiping "Forever" na ito kungdi "Sana Maulit muli" upang ikaw ay makapagsilbi pa sa mga mamamayang nagsasabi na "Dahil may isang ikaw" umayos ang bayan namin.

Ok Fine?

No comments:

Post a Comment

Thank your for your comments...you can likewise email the author at monleg@gmail.com