Wednesday, June 6, 2012

Hula ni Lolo Indo, nagkatotoo

Mukhang magkakatotoo ang hula ni Lolo Indo, ang ama ng aking yumaong tatay.

Tila propetang sinabi niyang isang araw maging ang hangin ay bibilhin at babayaran natin.

Hindi ko maintindihan ang sinasabi ni Lolo noon. Ngunit ngayon naisip ko hindi naman lumaki si Lolo na may kuryente o kaya'y tubig na nagmumula sa giripo.

Noon kasi ay iniigib ang tubig at ito ay libre. Ang hangin ay libre. Pero ngayon, kapansin-pansin na kasamang ibinebenta ng mga property developers ang sariwang hangin sa mga dinedevelop na lugar o kaya'y ang malinis na tubig sa mga ilog o dagat kung saan matatagpuan ang kanilang mga dinidevelop na properties.


Pero kung magtatagumpay ang agenda ng United Nations Environmental Program  (UNEP) at mga kapitalista sa RIO+20, na gaganapin sa Brazil ngayong June 20-22 na isulong ang Green Economy, malamang hindi lang tubig ang ating babayaran kungdi maging ang lahat ng "serbisyo" na nagmumula sa kalikasan.

Gaganapin ang Rio+20 upang ipagdiwang ang ika-20 anibersaryo ng 1992 United Nations Conference on Environment and Development (UNCED) sa Rio de Janeiro at ika-10 anibersaryo ng 2002 World Summit on Sustainable Development (WSSD) sa Johannesburg, South Africa.

At sa kumperensiyang ito, habol ng mga nagsusulong ng Green Economy na simulan ang transition mula sa kasalukuyang sistema ng ekonomiya patungo sa tinatawag na Berdeng Ekonomiya.

Subalit ano nga ba ang Green Economy?

Simple lang. Base sa Green Economy lahat ng ibinibigay sa atin ng kalikasan ng "libre" ay babansagang "serbisyo" at ito ay lalagyan ng katumbas na halaga.

Samakatuwid, kung ang hangin o oxygen na nagmumula sa mga puno ay tutumbasan ng halaga, malamang bayaran na natin ang "serbisyong" ibinibigay ng mga puno tulad ng oxygen. Kanino ito babayaran? Ito ay babayaran sa mga nagmamay-ari ng kagubatan at siguro maging ng mga corals, na nagbibigay din ng oxygen.

Nakakawindang di ba?

Pero ito ang pinakabagong paraan ng mga kapitalista upang sagarin ang pagkukuhanan ng tubo. Nais ng mga kapitalista na lagyan ng private ownership ang lahat ng mga bagay sa mundo upang ito ay pagkakitaan.

Kung gagamitin ang ganitong linya ng pag-iisip, puwede na rin nating ibenta ang ating mga katawang lupa upang gamiting fertilizer kapag tayo ay namatay, di ba?

Dahil dito, maraming umaangal sa konseptong ito na masasabing sa ngayon pa lamang ay nangyayari na sa pamamagitan ng carbon trade, na kung saan nagbabayad ang mga pollutants tulad ng mga oil companies sa mga kumpanyang nagtatanim ng puno.

Kailangan nating aksyunan at labanan ang konsepto at mga nagsusulong ng Green Economy dahil hindi ito ang sagot sa kahirapan at lalong-lalu na sa pagbibigay lunas sa Climate Change.

No comments: