Tuesday, June 19, 2012

Kapayapaan


Maniniwala ka bang mas mapayapa pa sa Vietnam kaysa sa Pilipinas? O kaya'y mas mapayapa pa sa Indonesia at Malaysia kaysa sa Pilipinas.

Sa inilabas na ulat ng Vision of Humanity, maging ang mga bansa sa Central America na dati'y binabagyo ng karahasan ay mas mapayapa pa ngayon kaysa sa Pilipinas.

Ayon sa 2012 Global Peace Index ng Vision of Humanity, ang Pilipinas ay nasa ika-133 sa lahat ng bansa sa mundong ito kung kapayapaan ang pag-uusapan.


Nangunguna pa rin sa ikalawang taong sunod ang Iceland. Kapansin-pansin din sa GPi na kasama sa Top 20  ang Denmark (2nd), Finland (6th), Sweden (14th) at Norway (18th), na kasama ang Iceland ay ang bumubuo sa tinatawag na Nordic countries.

Sa mga bansa sa Southeast Asia, tanging ang Myanmar (139th), na kasalukuyang pinamumunuan ng isang military junta, ang nalampasan ng Pilipinas.

Pinakamapayapang bansa sa rehiyon ang Malaysa (20th), kasunod ang Singapore (23rd), Vietnam (34th), Laos (37th), Indonesia (63rd), Cambodia (108th) at Thailand (126th). Wala sa listahan ang Brunei at Burma.

Sa totoo lang ay nag-improve pa nga ang Pilipinas dahil noong 2011 kulelat ang Pilipinas at pangalawa sa hulihan ang Myanmar sa mga Southeast Asian nations.

Malaking dahilan kung bakit tinitingnan na malaki ang kawalan ng kapayapaan sa Pilipinas dahil mataas ang score ng bansa sa mga indicators tulad ng perceived criminality, access to weapons, violent demonstrations, violent crimes, terrorist acts, political terror at conflicts fought.

Hindi nakakapagtaka na mataas ang kriminalidad sa Pilipinas na sa tingin ko ay bunsod ng kahirapan at kawalan ng pagkakataon upang mapaunlad ng mga Pilipino ang kanilang mga sarli.

At dahil patuloy na "winner-take-all" ang sistema ng halalan, hindi nakakapagtaka na ang pulitika sa ating bansa ay maing bayolente. Hindi pa rin naglalaho ang banta ng mga armadong grupo tulad ng MILF, MNLF, NPA at maging ang mga warlords, hindi lamang sa Mindanao kungdi maging sa Northern Luzon.

Patuloy na mangungulelat ang Pilipinas pagdating sa usapin ng kapayapaan kung patuloy ang winner-take-all political system sa bansa at patuloy na ang karangyaan ay para lamang sa iilan.

1 comment:

Unknown said...

I find your blog very informative. keep it coming.

Following you now.:-)