Monday, July 30, 2012

Isip mo berde

Pamilyar tayo sa salitang berde. Ito ay nagmula sa wikang Espanyol na Verde o Green sa English.

Maraming bagay ang associated sa salitang ito. Kapag sinabi nating kumakain tayo ng mga berdeng pagkain, ang ibig sabihin nito ay mahilig tayo sa gulay. May mga pagkakataon namang ang berde ay kaugnay ng ating kapaligiran o ng isang asosasyong nangangalaga sa kapaligiran tulad ng Greenpeace.

Minsan ang Berde ay kaugnay rin sa ating pag-iisip tulad ng kapag sinabihan kang   Green Minded ang ibig sabihin nito ay may kapilyuhan kang mag-isip.

Ang Green din ay associated sa Climate Change o sa mga pagkilos na may kaugnayan kung paano mapapangalagaan ang ating kapaligiran.

Pero alam ba ninyo na may isang Green na ang tinutukoy ay "commodification" o pagbebenta ng mga mahahalagang bagay na may kaugnayan sa kalikasan. Ang tawag dito ay "Green Economy".
Green Economy ang isinusulong ng United Nations Environmental Program (UNEP) bilang isang bagong sistema ng anila'y susugpo sa sobrang panggagahasa sa kalikasan.

Sa mga nagsusulong ng Green Economy, mahalagang lagyan ng katumbas na halaga ang mga "serbisyong" ibinibigay ng kalikasan. Mga serbisyong tulad ng oxygen na ibinubuga ng mga puno kapalit ng carbon dioxide, o kaya'y maging ang tubig na nagmumula sa gubat at maging ng iba't ibang bagay na makikita natin sa kalikasan tulad ng iba't ibang klase ng isda at hayop.

Anila, kapag may halaga ang isang bagay, mas binibigyan ito ng pagpapahalaga. Isang ehemplo nito ay ang kagubatan. May nagsasabi na dapat nating tingnan ang serbisyong naibibigay ng Amazon forest bilang carbon sink dahil kung mas mahal ang serbisyong naibibigay nito bilang carbon sink ay malamang hindi na putulin ang mga puno sa kagubatan. Idagdag pa rito ang mga serbisyo ng kagubatan bilang water reservoir o kaya'y water filter at marami pang iba.

Pero ayon kay Joseph Puruganan ng Focus on the Global South ang Green Economy ay isang pamamaraan lamang ng mga kapitalista upang makaahon sa kasalukuyang kinasasadlakang krisis at mapanatili ang hindi makatarungang kalagayan sa pandaigdigang kalakalan at pamumuhunan.

"In effect what the so called green economy would be preserving is the current unjust system of global trade and investments governed through a set of rules and principles embodied in a whole constellation of multilateral, plurilateral, regional 
and bilateral trade and investment agreements," ani Joseph sa kanyang presentation sa katatapos na Green Economy Forum na inilunsad ng Active Citizenship Foundation (ACF).

Berde talagang mag-isip itong mga kapitalista. Isipin mong na-hijack nila ang salitang "Green" sa mga totoong naglalayong pangalagaan ang kapaligiran at naipasok ang kanilang sariling agenda.

Gandang pakinggan hindi ba. Green Economy. Kapag nabasa mo ito ang naiisip mo ay isang luntian at preskong pamumuhay. Pero hindi ito ang nais ng mga Green Capitalist.

Ang gusto ng Green Capitalist ay lagyan ng presyo ang mga "serbisyo" ng kalikasan at ibenta ito sa isang merkado.

Isang example nito ay ang carbon market na kung saan, lalagyan ng presyo ang mga kagubatan o coral reefs na nagsisilbing carbon sinks at ibebenta bilang kapalit sa mga lasong ibinubuga ng mga big polluters. Ang tawag dito ay carbon offsetting, na sa totoo lang ay hindi naman nababawasan ang pollution kungdi nao-offset lang. Isa sa mga nagsusulong nito ay ang carbonfund.org.

Mayroon ding nagma-manage ng carbon markets at ito ay matatagpuan sa Ecosystem Marketplace. Ang sistema ay walang pinagkaiba sa pangkaraniwang stock exchange na kung saan puwede kang bumili at magbenta upang ma-off set ang iyong carbon emission.

Pero sa ilalim ng Greed Economy, este Green Economy, hindi lang carbon ang ilalagay sa merkado. Lahat ng mga na nakikita mo sa kapaligiran ay puwedeng ilagay sa merkado.

Kaya hindi nakakapagtaka na darating ang araw na kung saan, pag-aari ng ilang kumpanya ang dagat ngunit iba ang may-ari sa isda. Magbabayad ang mga humuhuli ng isda sa mga may-ari ng dagat.

Nakakatakot hindi ba?

Ang tanong ay saan nagmula ang ganitong konsepto. Sinong mga Green Minded nagmula ang ideyang ito?

Hindi ko alam ang sagot pero isa lang ang alam ko, pagkakakitaan, pagtutubuan ang hanap ng mga taong ito. Period.


No comments:

Post a Comment

Thank your for your comments...you can likewise email the author at monleg@gmail.com