Tuesday, November 6, 2012

Bonifacio, ang tunay na supremo

Isa sa paborito kong tula ay ang Tinubuang Lupa ni Andres Bonifacio.

Natural na naaalala ko ito pagdating ng Nobyembre dahil kada a-30 ng buwang ito ay ginugunita ang pagsilang ng itinuturing na Ama ng Himagsikang Pilipino.

"Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya sa pagka-dalisay at pagka-dakila gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa? Alin pag-ibig pa? Wala na nga, wala.'

Ito ang unang linya sa tulang ito, na kung hindi ako nagkakamali ay inaawit ng Inang Laya at maging ni Noel Cabangon.

Malungkot ang pagkakaawit ng Inang Laya sa tulang ito ng kinikilala nating Supremo. Kasing lungkot ito kung paano nagwakas ang buhay ni Bonifacio sa kamay ng mga traydor sa rebolusyong pinamunuan ni Emilio Aguinaldo, na kinikilala ng maraming historians bilang isa sa numero unong makapili sa kasaysayan ng rebolusyon at Pilipinas. 
Ipinagkanulo ni Aguinaldo ang rebolusyon upang masapawan si Bonifacio at makopo ang kapangyarihan. At dahil nagkahati-hati ang mga Katipunan dahil sa pagpatay ni Aguinaldo kay Bonifacio, natalo ang rebolusyon laban sa mga mananakop na Amerikano.

Nagtagumpay man ang rebolusyon upang maigupo ang mga prayle ay lumuhod naman ito sa mga Yankee.

Kung may maituturing na pinakamalaking disgrasya sa kasaysayan ng rebolusyon, ito ang pagkopo ng mga elitistang tulad ni Aguinaldo sa rebolusyong pinasimulan at isinulong ng mga pangkaraniwang Pilipino.

Dahil dito maraming nagsasabing hindi pa tapos ang rebolusyon ni Bonifacio at dapat natin itong ituloy.

Siyanga pala, sa susunod na taon ay ipagdidiwang ang ika-150 kaarawan ni Bonifacio. 

Sa tingin ko ay dapat nating itong paghandaan hindi lamang ng selebrasyon kungdi ng isang tunay na himagsikan.

Mabuhay ang laban ni Bonifacio!!!

Mabubay ang Magdiwang!!!

Tuloy ang laban.



No comments:

Post a Comment

Thank your for your comments...you can likewise email the author at monleg@gmail.com