Nagmula ang larawan sa site na ito. |
May ilang magagandang balitang puwedeng i-cross out sa ating listahan ng mga regalong gustong matanggap.
Para sa akin ang mga regalong ito ay hindi ang mga gadgets, bagong damit, bagong furniture o electronics na tradisyunal na pinag-iimbutang makuha ng mga pangakaraniwang Pinoy kapag dumarating ang Christmas season.
So ano ang mga regalong ito?
Una ay ang Sin Tax na kamakailan ay nakapasa na sa Senado at mababang kapulungan.
Bagamat dikitan, nagwagi ang mga nagsusulong ng Sin Tax, 10-9, sa Senado. At matapos ang 15 taon, nakapagpasa ng Sin Tax ang lehislatura ng bansa.
Ang kulang na lamang ay pirma ni Pang. Noynoy Aquino upang ito ay maging batas, na ang pangunahing dahilan kung bakit isinulong ay upang mabawasan ang mga nagsisigarilyong mga Pilipino.
Hindi naman kaila sa atin kung bakit masama sa kalusugan ang paninigarilyo kaya dapat itaas ang buwis nito at hindi ito maging parang kendi lamang na napakadaling bilihin.
Kasunod nito, ang kikitaing buwis sa Sin Tax ay gagamitin sa Universal Health care na isusulong ng pamahalaan.
Sa totoo lang, hindi sapat ang itinaas na buwis sa sigarilyo. Sa tingin ko ay dapat pa itong itaas upang maging "masakit" sa bulsa ang mga bibili nito.
Pero okay na rin ito kaysa sa wala. Upang lalo pa nating maintindinhan ang mga rason ukol sa Sin Tax, bisitahin ang sintax.ph.
Nagpamalas ng lakas ang mga magsasaka ng niyog upang maibalik sa kanila ang coco levy fund na produkto ng kanilang pawis at dugo. (Photo mula sa cbcp.com) |
Ikalawang magandang regalo ngayong pasko na ibinigay naman ng Korte Suprema ay ang pagdedesisyong na ang mga shares sa UCPB na inaangkin ni Danding Cojuangco ay pag-aari ng mga magniniyog.
Ilang dekadang nakipaglaban ang mga magsasaka para makuha ang bunga ng kanilang pawis at dugo.
May ilang nagbuwis ng buhay. May ilan namang kinamatayan na ang mahabang paghihintay.
Matagal na laban at sana ay ito na ang wakas sa napakahabang laban ng mga magniniyog. Sabi nga ay huli man daw at magaling, huli pa rin.
At siyempre, mas maganda kung mareregaluhan pa tayo ng Reproductive Health Law.
Alas dos ng umaga nitong Disyembre 13, 2012 o 12.13.12 ay pumasa sa second reading ng Mababang Kapulungan ang Reproductive Health Bill. Hindi man kalakihan ang kalamangan dahil pumasa ito sa botong 113-104.
Sa Lunes ay muling tatalakayin para sa third reading ang RH Bill sa mababang kapulungan habang balak namang amyendahan ni Sen. Tito Sotto ang Senate version ng panukalang batas.
Kapwa kinakabahan ang mga anti at pro RH Bill. Maliit lang kasi ang kalamangan. Sa second reading ay 217 ang bumoto, kasama ang 3 abstain. Sa kabuuan ay may 287 na mambabatas sa House of Representatives.
Ang sabi ng iba ay nagpapataas daw ng "presyo" ang mga wala sa botohan. May nagsabi naman na maagang nag-Christmas vacation ang mga ito. May ilang nagsabing nangangampanya na raw ang mga kongresista.
Sa huli, inaasahan kong mas papabor sa makasaysayang pagsasabatas ng RH Bill ang kalalabasan ng mala-tele nobelang drama sa House of Representatives at Senado.
Maligayang Pasko...wala lang.
No comments:
Post a Comment