Tuesday, January 1, 2013

2013

Now that 2012 is behind us, maybe we could put the year's top song - Gangnam Style - behind us too. Nakakarindi na!!!


Pero kung babalikan ang 2012, ano ba ang mahahalagang pangyayari na hindi maalis sa isip mo na parang Last Song Syndrome (LSS)?


Politically, nakakaginhawang isipin kung paano ipinakita ng Aquino regime ang political will upang mapalayas sa pamahalaan ang mga "zombies" ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Matapos mapuwersang magbitiw ni Ombudsman Merceditas Gutierrez ay tinrabaho naman ng Malakanyang ang pagpapatalsik kay Supreme Court chief justice Renato Corona. Ang koronang tinik sa ulo ng mga nagnanais makadama ng hustisya ang mga mamamayan sa pangungurakot ni GMA.

Dahil sa pagpapatalsik kay Corona, nabigyan ng pagkakataon ang gobyerno na usigin si GMA sa mga diumano'y pangungurakot nito sa kaban ng pamahalaan.

Hindi lang si GMA ang ngayon ay nahaharap sa plunder case, kungdi ang kanyang mga "zombies" tulad ni Manoling Morato, PCSO general manager Rosario Uriarte, dating mga directors na sina Jose Taruc C, Raymundo Roquero, gayunding ang dating Commission on Audit chair Reynaldo Villar at Nilda Palaras, ang Intelligence and Confidential Funds Fraud Audit Unit ng COA.

Nandiyan din electoral fraud case laban kina  dating Comelec chair Benjamin Abalos at GMA.

Hindi nagpabaya si PNoy sa kanyang pangako na usigin ang mga malalaking isda na nagkasala sa mga mamamayan.

Pero may malaki palang labang ikinakasa ang Malakanyang.

Ito ay laban sa Simbahang Katoliko at malalaking negosyante.

Bagamat pinitsarahan ng Simbahang Katoliko si PNoy ukol sa usapin ng Reproductive Health Bill, hindi nagpasindak ang Aquino regime.

Hindi rin natinag si PNoy sa usapin ng Sin Tax Bill bagamat iwinasiwas umano ng Solid North at ilang  cigarette corporations ang lakas nito.

Sa huli, naging batas ang Reproductive Health Bill at naamyendahan ang mga buwis na dapat ipataw sa mga "makasalanang" bisyong tulad ng paninigarilyo at pagtoma.

Laking ganansiya ng susunod na saling lahing mga Pinoy sa mga batas na ito.

Ngayong 2013, ano naman ang dapat nating asahan para sa patuloy na reporma sa ating bansa?

Una, kailangang magpakita rin ng political will ang Aquino regime ukol sa Climate Change. Nitong 2013, hindi maikakaila na ang laki ng pananalasa ng pagbabago ng klima sa Pilipinas.

Sino ang makakalimot sa mga pagbaha na dulot ng habagat at bago natapos ang taon ay ang pamiminsala ng bagyong Pablo sa Mindanao at Visayas.

Huwag nating kalimutan na buhay ang iniaalay ng mga Pilipino dahil sa pagbabago ng klimang sanhi ng walang habas na paggamit ng mga developed countries sa tinatawag na fossil fuels na ang carbon dioxide ay nagbubunsod sa pag-init ng mundo.

Dahil sa pag-init na ito, nagbabago ang klima at ito ay naranasan natin hindi lang sa ulang dala ng habagat at mga bagyong tulad ni Pablo gayundin ng bagyong Ondoy.

Kailangang singilin ni PNoy para sa Pilipinas ang mga bansang dahilan ng Climate Change.

Nandiyan din ang usapin ng West Philippine Sea na kinakamkam ng buo ng mga Intsik. Kailangang makabuo ng isang maayos na depensa ang Pilipinas na hindi nakaangkla sa mga gamit na binibili sa ibang bansa.

Okay lang na mamili ang Pilipinas ngayon ng mga barko at eroplano sa ibang bansa dahil wala talaga tayong kakayahan na gumawa nito. Pero hindi puwedeng umasa na lamang ang bansa sa ganitong kalakaran.

Kailangang makabuo ang Pilipinas ng mga industriya at expertise sa pagbuo ng barko at eroplano upang makapagsarili tayo.

Isa pang dapat pagtuunan ng pansin ng mga mamamayan ay ang pag-usig sa mga taong nakikinabang sa mga utang ng bansa. Bilyong-bilyong piso ang inuutang ng pamahalaan at sino ang nakikinabang dito?

Dapat na tutukan ang mga utang ng pamahalaan tulad sa tinatawag na PEACE Bonds na pinagkaperahan ng CODE-NGO noong panahon din ni GMA.

Ayon sa Freedom from Debt Coalition (FDC), tinatayang aabot ng P35 billion ang babayaran ng pamahalaan sa "lutong macao" na pagbili ng CODE-NGO sa PEACE bonds. Kumita rin ang RCBC ng hindi bababa sa P400 milyon bilang "operator" sa utangan.

Dahil sa pamamaraan kung paano minaniobra ang PEACE Bond ng Code-NGO (Caucus of Development NGO Networks), na noon ay pinamumunuan ni Dinky Soliman, ang kasalukuyang secretary ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), marami ang nagsasabing hindi dapat pagkatiwalaan ni PNoy si  Soliman.

Kasama diumano si Soliman kung paano nakautang ng ganitong kalaking halaga ang CODE-NGO at tumubong lugaw ng bilyong-bilyong piso.

Ayon sa mga nakakaalam sa pangyayari, ginamit ni Soliman at mga kasamahang tulad ni Department of Budget and Management (DBM) secretary Butch Abad, ang impluwensiya noong panahong naglilingkod sila sa ilalim ng pamahalaan ni GMA upang magkamit ng ganitong kalaking halaga ang diumano'y grupo ng mga developmental organizations.

Ngayong nakaupo na sila sa pamahalaan, ano naman kaya ang kanilang pinaplano at minamaniobra?

Dapat din yatang magtrabaho ang mga mamamayan upang mapaalis ang mga "zombies" sa pamahalaang Aquino.

Ang masakit nito, ang laki na ng kinita kahit walang inilabas na pera, ayaw pang magbayad ng taripa. Napakasakit talaga Kuya Eddie.

Sa ekonomiya naman, isa sa malaking problema ng bansa ay hawak ng iilan ang kapital. Ilang pamilya lang ang nakikinabang sa paglawak ng palitan ng serbisyo at pera sa bansa. Dapat itong magbago.

Dapat na magbago ang sistemang iilang pamilya lang ang nakikinabang sa sipag at lakas ng mga mamayang magsasaka, manggagawa at mga pamilya. Maging sa mga remittance ng overseas Filipinos.

Ngayon pa lamang ay dapat ng isaayos ang isang sistema na lahat ng Pilipino ay makikinabang sa pag-unlad ng ekonomiya ng Pilipinas.

At siyempre upang patuloy na magkaroon ng reporma at tumpak na pagbabago sa Pilipinas. Kailangan natin ng mga progresibo sa pamahalaan.
Aiza and Risa

Ngayon pa lamang ay hinihikayat ko ang mga Pilipino na iboto bilang senador si dating Akbayan representative Risa Hontiveros, ang isa sa mga orihinal na nagsulong sa RH Bill sa Kongreso.

Naniniwala ako sa kakayahan ni Risa bilang mambabatas.

Nagpakita rin ng tapang si Risa noong panahon na binubugbog ni GMA ang bansa sa kanyang mala-martial law na paghawak sa kapangyarihan.

Huwag din nating kalimutan na sina Walden Bello at Kaka Bag-ao ay kapwa kinatawan ng Akbayan sa Kongreso. Ang dalawang ito, kasama ng Akbayan ay nagsulong ng makabagong batas sa Mababang Kapulungan.

Dahil dito, hindi ako magdadalawang isip na muling iboto ang Akbayan sa Kongreso.

Sa 2013, sama-sama nating likhain ang bagong Pilipinas. Isang maaliwalas na bagong taon sa lahat!!!

No comments:

Post a Comment

Thank your for your comments...you can likewise email the author at monleg@gmail.com