Dati ang alam ko lang na listahan ay Schindler's list, Bucket list at kadalasan ay listahan sa sari-sari store ni Aling Pasing.
Sumikat atng Schindler's list, isang pelikula ukol sa mga iniligtas na Hudyo ni Oskar Schindler noong World War II.
Ang bucket list naman ay sumikat dahil sa pelikulang pinagbidahan nila Jack Nicholson at Morgan Freeman.
Ang listahan ni Aling Pasing ay kadalasang humahaba bago ang akinse at katapusan ng buwan at nababawasan kada sweldo.
Pero ngayon mas sikat ang Ping's List, Benhur List at siyempre ang Napolist.
Sa totoo lang wala namang Benhur list dahil wala namang listahang ginawa si Benhur kungdi nagbigay siya ng hard drive sa Inquirer at ginamit itong basehan para gawaing basehan ng mga istorya na kanilang iniimprenta.
So, walang Benhur list, meron sigurong INQ list.
Si Ping naman, nagpagulo. Hindi ko malaman kung saan nagmumula ang kanyang motibasyon para maglabas ng diumano'y listahan na nagmula raw sa asawa ni Janet Lim Napoles na kasalukuyang nakakulong habang dinidinig ang mga kaso niya ng pandarambong.
Pero kung legalidad ang pag-uusapan wala naman makukulong kung ang basehan ay ang listahan ni Ping. Kaya ang tanong ay, ano o sino ang angtulak sa kanya para ito ilabas?
Wala lang. Nagpapapansin lang.
Si Napoles, may listahan din daw. May mga notebook pa ngang sinasabi. Pero sa bandang huli, balewala rin ang listahan niya kung hindi ito magagamit para makulong ang mga mambabatas, opisyal sa pamahalaan at mga taong involved sa pandarambong.
Kaya ako, mas papanigan ko ang listahan ng Commission on Audit (COA) na ginamit ng Ombudsman bilang basehan upang hagarin at dalhin sa harapan ng Sandiganbayan sina Senators Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Bong Revilla.
Ayon sa listahan ng COA, kinangkong nina Enrile, Estrada at Revilla ang kaban ng bayan. At ang listahan ito, o ang report na ito, ang may basehang legal upang maipakulong ang mga senador na ito.
Kaya sa ngayon wala akong paniniwalaan kungdi ang COA list at hindi ang Napolist, Pinglist o INQlist.
No comments:
Post a Comment
Thank your for your comments...you can likewise email the author at monleg@gmail.com