Monday, November 21, 2016

Death Penalty

Si Leo Echegaray ang isa sa mga Pilipino na
kinatay sa ilalim ng death penalty law.

 
ALAM MO bang si Hesu Kristo ay biktima ng death penalty?

Si Hesu Kristo, kasama ang dalawang magnanakaw na pinangalanang  sina Dismas at Hestas, ay tinorture muna bago ipinako sa krus at hinayaang mamatay.

Karumaldumal?

Pero, ayon kay Manny Pacquiao, sa kanyang unang talumpati bilang nahalal na Senador, sang-ayon ang Diyos niya sa pagpatay. Aniya, pwedeng patayuin sa bangko ang isang detenado, talian ng lubid sa leeg at pagkaraan ay sipain ang bangko upang masakal hanggang mamatay ang bilanggo.


Hindi ko alam kung anong klaseng Bibliya ang binabasa ni Pacquiao at paano niya ito pinag-aaralan.


Hindi lang naman si Pacquiao ang may gustong ibalik ang death penalty sa bansa, marami ang nagmamarunong na ibalik ito upang aniya'y masugpo ang kriminalidad. Para sa boksingero, ang mga addict ay dapat patayin, ang mga pusher ganoon din.

Ang tanong ko lang naman ay di ba't dating "adik" din itong si Pacquiao. "Adik" siya sa sugal at babae. Ilang beses mababasa sa mga pahayagan kung gaano katalamak magsugal itong si Pacquiao at kung gaano karami ang kanyang nakarelasyon sa labas ng kanyang asawa.

Kung ang mga adik ay dapat patayin, dapat bang patayin din itong si Pacquiao?

Hindi naman.

Maituturing na rehabilitated si Pacquiao. Nakaalpas siya sa "adiksyon" sa sugal at babae na nangangahulugan na ang mga adik ay pwudeng magbago tulad niya.

Pero hindi lahat ay maswerteng tulad niya. Maraming adik sa bansa ang itinumba ng mga mamatay tao na pulis, lalo na yong ang mga pangalan ay nakalista sa Tokhang. Ang tawag dito ay extra judicial killings (EJK) na tulad din death penalty na may basbas ng estado.

Kasama rin sa sinamaang palad sina Gat Jose Rizal, na pinapatay ng mga Kastilang mananakop.

Namatay din sa ilalim ng marahas na pamamahala ng mga Kastila ang mga paring  sina Gomez, Burgos at Zamora na ginarote.

Hindi rin nakaligtas si Andres Bonifacio na pinapatay naman ng kabitenyong si Aguinaldo.

Ginamit din ng mga Amerikano ang death penalty para masugpo ang pag-aaklas ng Pilipino laban sa kanilang pagsakop sa ating bansa.

At ngayon ginagamit ito ng Duterte administration upang mapagtakpan ang kanilang kamangmangan kung paano masusugpo ang kriminalidad na anila'y mawawakasan sa loob ng anim na buwan.

Ang tawag dito ay smoke screen.

Sa mga sugarol na tulad ni Manny Pacquiao ang tawag dito ay iwas pusoy.

Wala lang.

No comments: