Friday, February 4, 2011

Game of the Generals


Isa sa mga kinahiligang board games ng aking henerasyon at ng mga sumunod pa ay ang Game of the Generals. Ang hindi alam ng karamihan ay ang Game of the Generals ay naimbento ng isang Pilipinong si Sofronio H. Pasola Jr.

Katunayan, may online version na ang Game of the Generals, na kilala rin sa tawag na "salpakan." Ang URL ng online version ay http://salpakanna.com.

Nilalaro ng dalawang panig habang ang ikatlo at pinakamahalagang kasama sa laro ay ang arbiter. Pinakamalakas na piyesa sa labang ito ay ang spy at upang magwagi ay dapat makopo ang flag.

Sa larong ito, ang mga heneral at mga piyesa ay tanging mga pawns o tau-tauhan lamang ng mga players at tanging ang arbiter lamang ang makapagsasabi kung sino ang nanalo sa palitan o salpakan ng mga piyesa.

Dahil dito, mahalaga na hindi kakutsaba ng mga manlalaro ang arbiter. Mahalaga rin dito ang tiwala sa arbiter.

Kamakailan ay sumabog ang napakalaking Game of the General na kinatatampukan ng mga dating chief of staff ng Santahang Lakas ng Pilipinas. Ito ay sina Garcia, Villanueva, Cimatu at Reyes. Ayon sa balita ay tumanggap ng milyon-milyong piso ang ito bilang "pabaon" sa kanilang pagreretiro.



Malaking tanong kung bakit sila nasilaw sa pera at itinaya ang kanilang pamilya, pangalan at maging buhay.

Sa ganitong laro, mahalaga ring malaman kung sino ang nagpagalawa sa mga heneral na ito. Isa sa mga itinuturo ay si dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Ginamit niya ang malalaking halaga bilang suhol para makuha ang loyalty ng mga heneral.

Tandaan nating ang mga nabanggit na heneral ay nagsilbi bilang chief of staff sa ilalim na panunungkulan ni GMA. At tandaan din natin na binagyo ng kontrobersiya ang pamahalaang GMA na kinatampukan ng mga usaping NBN-ZTE, fertilizer scam, Hello Garci at iba pa.

Dahil dito, kailangan ni GMA na mapanatiling nasa panig niya ang mga heneral at ginamit ang pera ng taong bayan bilang pangsuhol kapalit ng loyalty ng mga heneral.



Pero hindi patas ang Game of the General na ito.

Dahil maging ang dapat na pumapel bilang arbiter ay nasa panig ni GMA.

Ilang asunto na ang dinala sa Office of the Ombudsman laban sa mga kaalyado ni GMA, partikular si Gen. Carlos Garcia, na napatunayang nagbulsa ng hindi bababa sa P300 milyong piso pero alam nating tinanggap ni Gutierrez ang plea bargain agreement na inihain ni Garcia.


Nang ihatid naman sa Supreme Court, ang itinuturing na pinakamataas na arbiter sa bansa, ang mga asunto upang matugis si GMA, hindi rin nakaporma ang mga humahabol sa kanya at muli ang nagmimirong mamamayan ay nabilog ng ngayon ay tumatayong kinatawan ng Pampanga.

Kinatigan ng Supreme Court si GMA sa usapin ng Truth Commission, midnight appointees at impeachment laban kay Gutierrez.

At dahil ang arbiter ay panig kay GMA, nagoyo ang nagmimirong taumbayan.

Kung may labanan, siyempre gusto ng lahat ng patas ang laban at hindi pumapanig ang mga referees o arbiter.

Sa ganitong pagkakataon, naniniwala akong mapupuno rin ang nagmimirong taumbayan at kanilang huhusgahan ang mga arbiter. Hindi rin malayo na maging ang nagpapakilos sa mga heneral ay kanilang usigin, hindi sa loob ng korteng hawak ni GMA kungdi sa lansangan.

Sa dulo kasi ng labanang ito naniniwala akong makukuha ng taumbayan ang banderang magpapatunay na sila ang tunay na nagwagi laban sa korapsyon at pagmamalabis ni GMA.









Thursday, February 3, 2011

Self Incrimination

Ang katagang ito ang pinasikat ni dati at ngayon ay dishonorably discharged Gen. Carlos Garcia na nagsilbi bilang comptroller ng Armed Forces of the Philippines.

Dishonorably discharge Gen. Carlos Garcia


Pumasok sa pambansang kaisipan si Garcia matapos mahuli ang anak niya sa Estados Unidos na may dala-dala ang $100,000 noong Disyembre 2003.

Dahil sa nabuking ang kanyang anak na may dala-dalang salapi na higit sa kikitain ng isang heneral, inimbestigahan si Garcia at nabuking na umabot sa P303 million.

Kasama sa mga ari-arian ni Garcia na nabili niya sa pandarambong sa kaban ng bayan ay bahay sa Estados Unidos at mamahaling sasakyan.

Sa kabila ng matibay na ebidensiya sa mga pagkakasala ni Garcia na nagpapakita ng kanyang kasakiman minabuti ni Ombudsman Merci Gutierrez na pumasok sa isang plea bargain agreement sa dating heneral kaysa usigin sa pandarambong ng kaban ng bayan.

Nitong mga huling araw, lumalabas sa imbestigasyon ng Senado at sa pamamagitan ni whistle blower George Rabusa, isang colonel na nakatrabaho ni Garcia sa AFP, kung paano ipnamumodmod sa mga paretirong Chief of Staff and salapi ng bayan.

Kaama sa mga sinabi ni Rabusa na tumanggap ng pera ay sina Angelo Reyes, Dimodeo Villanueva at Roy Cimatu.

May nagsasabing tumanggap ng malaking halaga ang tatlong dating naglingkod bilang chief of staff ni Gloria Macapagal Arroyo kapalit nang kanilang loyalty upang manatili ang dating pangulo at ngayon ay kinatawan ng Pampanga sa Mababang Kapulungan sa puwesto. Matatandaan na dinaluyong ng pag-aaklas ang pamamahala ni GMA dahil sa mga kontrobersiyang kinasangkutan ng kanyang rehimen.

Subalit ang malaking tanong ay kailan nagsimula ang mga pabaon para sa nagreretirong chief of staff?

Ito ba ay noong panahon lamang ni GMA o noon pang panahon bago siya nanungkulan?

At tulad ng mga frat boys, walang bumabalimbing sa mga heneral. Kahit madamay ang kanilang pamilya, masira ang kanilang pangalan at mabasag ang tiwala ng taumbayan sa sandatahang lakas ng Pilipinas.

Mabuti na lamang at may mga whistle blowers. Ang malaking tanong ay hanggang kailan mananatili ang ganitong kalagayan sa bansa?

Wala lang, naitanong ko lang.




Wednesday, February 2, 2011

Banggaan

Natural na nangyayari ang banggaan hindi lamang dito sa ating daigdig kungdi maging sa buong kalawakan.

Ayon nga sa mga naturalist, nabuo ang ating galaxy dahil sa big bang. At mula sa banggaang ito ay nabuo ang Araw at ang mga planetang umiikot dito kasama ang ating daigdig.

Sa natural world, walang mabubuo kung walang banggaan. Kaya nabuo ang teyoryang survival of the fittest, ibig sabihin ay palaging may tunggalian o banggaan. Ito ang theory na nabuo ni Charles Darwin, na pinagbasihan ng mga scientist para sa tinatawag na big bang theory.

Theory man ito o hindi, tama ring sabihing may Social Darwinism. Ito ang tunggalian na nakikita sa sangkatauhan, na maaaring tunggalian ng ideolohiya, relihiyon, lahi, o ang pinakasimple ay tunggalian sa sports, professional man o hindi.

Nabanggit ko ito, dahil sa mga pangyayari sa Egypt kung saan may tungalian ang mamamayan at ang kanilang pangulong si Hosni Mubarak.

Dito sa ating bansa ay may nangyari at may mga nangyayaring ganitong tunggalian.

Pinalayas ng mamamayang Pilipino si dating pangulong Ferdinand Marcos sa isang banggaang maituturing na mahinahon o mapayapa.

May tunggalian ding nangyari noong panahon ni Cory Aquino at ang militar. Ilan coup d'etat ang isinulong ng militar laban sa pamahalaan ni Tita Cory. Ngunit sa lahat ng ito ay natalo ang mga coup plotters.

Matindi rin ang tagisan ng pamahalaan at ng mga Moro Separatist. Ganito rin ang tunggalian sa pagitan ng New People's Army at ng militar.

May tunggalian din ang mga Katoliko at ang mga nagsusulong Reproductive Health Bill. May banggaan din sa pagitan ng mga naglalayong dalhin si GMA sa harap ng hustisya at ang mga humahabol sa kanya.

May banggaan ang Akbayan at si Ombudsman Merceditas Gutierrez na nais ng partidong ma-impeach.

Kung magagawi namana ng usapin ukol sa ideyolohiya, masasabing may banggaan ang mga neo-liberals at ang mga sosyalista.


Samakatuwid, kahit saang bahagdan ng buhay natin ay may banggaan.



Dahil dito, hindi tayo dapat mangamba na may mga banggaan. Natural lamang ito.
Ngunit may mga bangaan na puwedeng maiwasan at may bangaan na natural na nangyayari.

Naalala ko tuloy ang sabi ng isang kasama, "Kailangan natin ng karahasan para magkaroon ng kapayapaan."

Dito sa ating bansa, may isa pang tunggalian na nangyayari.

Tunggalian sa pagitan ng mga naghahangad ng pagbabago at ang mga nais na manatili ang kasalukuyang sistema.

Ang tanong ay, sa banggaang ito saan ka papanig? 

Wala lang, naitanong ko lang.



Tuesday, February 1, 2011

People Power

 

Hindi na napigil ng mga Egyptian ang kinumkom na galit sa loob ng tatlong dekadang pamamahala ni dating Air Force general Hosni Mubarak. Habang isinusulat ang blog na ito ay nanawagan ang oposisyon sa Egypt para sa million man march. Sana'y magtagumpay ang mga Egyptian sa hangarin nilang mas maging demokratiko at maunlad ang kanilang bansa.

Naalala ko tuloy ang ating sariling People Power na nagptalsik kay Ferdinand Marcos, na mahigit 20 taon namahala sa ating bansa gamit ang pananakot, pagpaslang at pamumodmod ng pera upang manatili sa kapangyarihan.

Matapos ang 20 taon ay nag-aklas ang mga Pilipino at naitaboy ang pinakamamalupit na pamahalaang naghari sa ating bansa. Huwag din nating kalimutang ang tawag sa pamamahala ni Marcos ay "conjugal dictatorship" dahil katuwang niya si dating first lady Imelda o ang nabansagang Madamme Butterfly dahil sa kanialng magkatuwang na panunupil sa kalayaan ng mga Pinoy.

May pagkakahawig ang Mubarak at Marcos regimes kung bakit sila nanatili sa kapangyarihan. Pareho silang sinuportahan ng Estados Unidos, na hindi nagdadalawang isip na sumuporta sa mga mapaniil na rehimen basta't umaayon sa kanilang kagustuhan ang ipapatupad ng mga ganid sa kapangyarihan.

Pero lahat ay may hangganan. 

Ika nga ng aking paboritong quotation, "none is for sure, none is forever."

Dito sa mundo ang tanging nagpapatuloy ay pagbabago.

Tila hindi ito natutunan ng napakaraming lider na umusbong sa ating daigdig lalo ni Mubarak na mula pa man din sa Egypt. Dapat ay natuto siya sa mahabang kasaysayan ng kanyang bansa kasama ang libong taong paghahari ng mga Pharoah na humantong din sa pagwawakas.

Lahat ay may wakas. 
Kaya't tayong lahat ay dapat maghanda sa pag-usbong ng pagbabago.

Sa ibang salita, dapat ay may exit plan tayo.

Bumalik tayong muli rito sa Pilipinas at ating tutukan ang pamahalaang Gloria Macapgal-Arroyo.

Nakita nating nagwakas ang kanyang siyam na taong pamamahala. Ngunit hindi nakuntento at ginamit ang kanyang posisyon bilang pangulo upang mapaghandaan ang paglisan niya sa Malakanyang.

Magaling di ba. May exit plan. At dahil sa exit plan na ito, hindi siya matugis ng hustisya dahil naiupo niya ang masugid na supporter na si Merceditas Gutierrez sa Ombudsman. Maging ang mga justices ng Korte Suprema ay tila hawak niya sa leeg.

Pero naniniwala akong lahat ay may hangganan. 

Isang araw sa hindi kalayuang hinaharap ay babagsak din si GMA sa lambat ng katarungan at magwawakas ang kabanta ng kanyang kasakiman sa kapangyarihan sa likod ng malamig na rehas. 

Kung hindi man sa rehas ay baka matulad pa siya sa mga Marcoses na ilang taong hindi nakauwi ng bansa.

Harinawa ay matuto tayo sa aral ng kasaysayan.