Isa sa mga kinahiligang board games ng aking henerasyon at ng mga sumunod pa ay ang Game of the Generals. Ang hindi alam ng karamihan ay ang Game of the Generals ay naimbento ng isang Pilipinong si Sofronio H. Pasola Jr.
Katunayan, may online version na ang Game of the Generals, na kilala rin sa tawag na "salpakan." Ang URL ng online version ay http://salpakanna.com.
Nilalaro ng dalawang panig habang ang ikatlo at pinakamahalagang kasama sa laro ay ang arbiter. Pinakamalakas na piyesa sa labang ito ay ang spy at upang magwagi ay dapat makopo ang flag.
Sa larong ito, ang mga heneral at mga piyesa ay tanging mga pawns o tau-tauhan lamang ng mga players at tanging ang arbiter lamang ang makapagsasabi kung sino ang nanalo sa palitan o salpakan ng mga piyesa.
Dahil dito, mahalaga na hindi kakutsaba ng mga manlalaro ang arbiter. Mahalaga rin dito ang tiwala sa arbiter.
Kamakailan ay sumabog ang napakalaking Game of the General na kinatatampukan ng mga dating chief of staff ng Santahang Lakas ng Pilipinas. Ito ay sina Garcia, Villanueva, Cimatu at Reyes. Ayon sa balita ay tumanggap ng milyon-milyong piso ang ito bilang "pabaon" sa kanilang pagreretiro.
Malaking tanong kung bakit sila nasilaw sa pera at itinaya ang kanilang pamilya, pangalan at maging buhay.
Sa ganitong laro, mahalaga ring malaman kung sino ang nagpagalawa sa mga heneral na ito. Isa sa mga itinuturo ay si dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Ginamit niya ang malalaking halaga bilang suhol para makuha ang loyalty ng mga heneral.
Tandaan nating ang mga nabanggit na heneral ay nagsilbi bilang chief of staff sa ilalim na panunungkulan ni GMA. At tandaan din natin na binagyo ng kontrobersiya ang pamahalaang GMA na kinatampukan ng mga usaping NBN-ZTE, fertilizer scam, Hello Garci at iba pa.
Dahil dito, kailangan ni GMA na mapanatiling nasa panig niya ang mga heneral at ginamit ang pera ng taong bayan bilang pangsuhol kapalit ng loyalty ng mga heneral.
Pero hindi patas ang Game of the General na ito.
Dahil maging ang dapat na pumapel bilang arbiter ay nasa panig ni GMA.
Ilang asunto na ang dinala sa Office of the Ombudsman laban sa mga kaalyado ni GMA, partikular si Gen. Carlos Garcia, na napatunayang nagbulsa ng hindi bababa sa P300 milyong piso pero alam nating tinanggap ni Gutierrez ang plea bargain agreement na inihain ni Garcia.
Nang ihatid naman sa Supreme Court, ang itinuturing na pinakamataas na arbiter sa bansa, ang mga asunto upang matugis si GMA, hindi rin nakaporma ang mga humahabol sa kanya at muli ang nagmimirong mamamayan ay nabilog ng ngayon ay tumatayong kinatawan ng Pampanga.
Kinatigan ng Supreme Court si GMA sa usapin ng Truth Commission, midnight appointees at impeachment laban kay Gutierrez.
At dahil ang arbiter ay panig kay GMA, nagoyo ang nagmimirong taumbayan.
Kung may labanan, siyempre gusto ng lahat ng patas ang laban at hindi pumapanig ang mga referees o arbiter.
Sa ganitong pagkakataon, naniniwala akong mapupuno rin ang nagmimirong taumbayan at kanilang huhusgahan ang mga arbiter. Hindi rin malayo na maging ang nagpapakilos sa mga heneral ay kanilang usigin, hindi sa loob ng korteng hawak ni GMA kungdi sa lansangan.
Sa dulo kasi ng labanang ito naniniwala akong makukuha ng taumbayan ang banderang magpapatunay na sila ang tunay na nagwagi laban sa korapsyon at pagmamalabis ni GMA.