Isa sa mga paborito kong awitin ang Pangarap ng Balahibumpooza at kung hindi pa ninyo ito napapangkinggan ay maaaring i-click ang larawan sa itaas. Ayos ba pareng Riera? Time spacewarp, ngayon na!!!
Maliban sa tila lullaby na awitin ay hinahabi ng awiting ito ang ating mga pangarap hindi lamang sa pag-ibig kungdi ang mga ninanais nating mangyari sa ating lipunan. Wala naman sigurong Pilipino na ang pangarap ay isang maunlad, mapayapa at mapangkalingang lipunan.
Pero sabi nga ni kumpareng Riera, lahat ng ito ay pangarap lang.
Nanatili at mananatiling ganito ang ating lipunan dahil sa malalim na pagkakaugat ng kultura ng korapsyon.
Wala yatang Pilipino ang hindi nakaranas ng korapsyon dito sa Pilipinas na kung saan lahat ng bagay ay nagagawan ng paraan. Opo, ang mga Pilipino ay "maparaan."
Maparaan tayo na umiwas o kung hindi man ay tahasang sumuway sa batas. Isang simpleng halimbawa nito ay ang simpleng pagsunod sa traffic light.
Nararanasan ko ito araw-araw lalo na rito sa kanto ng Anonas St. at V. Luna St. sa Quezon City. Walang silbi ang traffic light dito.
Walang pakialam ang mga drivers at pedestrian sa kantong ito sa traffic lights, maging ang mga pulis ay patay malisya.
Minsan nga ay napagtawanan pa ako dahil hindi ako tumawid dahil naghihintay ako ng green light, gayong malayo pa ang sasakyang patawid sa kanto.
Oo nga naman, para akong gago at naghihintay ng green light gayong hindi naman ako masasagasaan kung tatawid ako dahil napakalayo pa ng sasakyang dadaan.
Gago na kung gago, pero gusto kong sumunod sa green light eh. Hindi naman ako ambulansiyang may emergency at kailangang tumawid sa red light para makapagsalba ng buhay.
Pero ang nakakatuwa nitong Lunes ay inilunsad ang Mabuting Pilipino Movement na naglalayong tugunan ang kultura ng korapsyon sa ating bansa at himukin ang mga Pinoy na sumunod sa batas, simpleng batas man ito tulad ng pagsunod sa traffic lights hanggang sa pagbabayad ng buwis at pagtayo para sa karapatan ng bawat Pilipino.
Ah, ang sarap. Hindi pala ako nag-iisang gago sa bansang ito.
Gago rin palang tulad ko si Noel Cabangon, ang convenor ng movement, na gustong makita na ang bawat Pilipino ay hindi lamang handang bumatikos kungdi handa ring sumunod sa mga nilalayon ng batas.
Sabi nga ni Noel sa kanyang awiting Mabuting Pilipino,
Ako’y isang mabuting Pilipino
Minamahal ko ang bayan ko
Tinutupad ko ang aking mga tungkulin
Sinusunod ko ang kanyang mga alituntunin
Minamahal ko ang bayan ko
Tinutupad ko ang aking mga tungkulin
Sinusunod ko ang kanyang mga alituntunin
Tumatawid ako sa tamang tawiran
Sumasakay ako sa tamang sakayan
Pumipila at ‘di nakikipag-unahan
At ‘di ako pasiga-siga sa lansangan
Sumasakay ako sa tamang sakayan
Pumipila at ‘di nakikipag-unahan
At ‘di ako pasiga-siga sa lansangan
Ngayon ko naisip, si Merceditas Gutierrez ba ay sumusunod sa traffic lights. Eh si Gloria Macapagal-Arroyo? Naturuan kaya niya ang mga anak niyang sina Mikee at Datu na sumunod sa tamang tawiran? At ang kanyang asawang si Atty. Mike, sumusunod ba siya sa batas trapiko?
Naitanong ko ito dahil kung natuto silang sumunod sa simpleng batas trapiko, sa tingin ko ay mangingimi silang bumali sa ibang batas.
Dagdag nga ni Noel sa kanyang awit:
Ako’y isang tapat at totoong lingkod ng bayan
Pabor o lagay ay ‘di ko pinapayagan
Tapat ang serbisyo ko sa mamamayan
‘Di ko ibinubulsa ang pera ng bayan
Pabor o lagay ay ‘di ko pinapayagan
Tapat ang serbisyo ko sa mamamayan
‘Di ko ibinubulsa ang pera ng bayan
Punto ni Noel kung tatapusin natin ang kanyang awitin:
Ipinagtatanggol ko ang mamamayang Pilipino
Mga karapatan nila’y kinikilala ko
Iginagalang ko ang aking kapwa tao
Ipinaglalaban ko ang dangal ng bayan ko.
Mga karapatan nila’y kinikilala ko
Iginagalang ko ang aking kapwa tao
Ipinaglalaban ko ang dangal ng bayan ko.
Ikaw, gago, este, Mabuting Pilipino ka ba?