Isa sa mga Merceditas na kilala ko ay si Merceditas Valdés (1928-1996), isang Cuban singer na ipinanganak sa Cayo Hueso sa Havana noong 14th October 1928.
At kabaliktaran ng isa pang Merceditas na kilala ko, itong si Valdes ay itinuturing na haligi ng musika sa Cuba.
Katunayan, si Valdes ay naging bahagi ng pagbabago sa Cuba, kung saan nakasama siya sa mga artistang sumuporta sa pagbabagong inihatid ni Fidel Castro.
Kasama pa nga si Valdes, kilala sa kanyang Afro-Cuban style na mga awitin, sa isang compilation ng mga awitin para sa Cuban revolucion. Maliban sa compilation na ito ay bumuo rin sariling albums si Valdes na hinangaan noong kanyang kapanahunan.
Ngunit ang isa pang Merceditas na kilala ko ay ang pinakamalaking kabaliktaran ni Valdes.
Siya ay si Merceditas Gutierrez, kaibigan at kaklase ni dating first gentleman Mike Arroyo, na siya namang asawa ni dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Kahapon ay tinanguan ng Committee on Justice ng House of Representatives ang impeachment case laban kay Gutierrez at malamang na sa susunod na linggo, sa Lunes o Martes, ay bubusisin na ng plenaryo ang kasong kinakaharap ni Gutierrez at pagbobotohan upang isumite ito sa Senado.
Katulad ni Valdes, malamang na mapasama sa kasaysayan si Gutierrez, hindi nga lamang bilang tinitingalang bituing tulad ni Valdes kungdi ang kauna-unahang Ombudsman ng bansa na mai-impeach.
At kung saka-sakaling ma-impeach si Gutierrez, siya ay malamang na tugisin para sa mga kalapastanganang nagawa sa taumbayan, laluna ang kanyang paghadlang sa pagtugis sa mga kaalyadong sina Gloria, Mike at kanilang mga alipores sa loob ng militar, pulis, maging sina Jocjoc Bolantes at marami pang iba.
Kay ganda di ba?
Ngunit hindi pa tapos ang laban sakaling ma-impeach si Merci.
Ang kasunod kasi nito ay ang pagpili sa papalit sa kanya.
Kinakailangang walang papanigan, walang titingalain, walang pipiliing aasuntuhin ang bagong Ombudsman.
At dahil dito, kainakailangang bantayan ng taumbayan hindi lamang ang impeachment proceeding laban kay Merceditas, kungdi sa sinumang papalit sa kanya.
Kung hindi mangyayari ito, malamang mapunta sa wala ang lahat ng pagkilos laban kay Merceditas at sa hulihan ay wala na namang mapapala ang taumbayan.