Friday, March 11, 2011

Tsunami

Hindi nakakapagtaka na sa Hapon nahango ang salitang TSUNAMI, na ayon sa wikipedia ay nangangahulugan na "mga sunod-sunod na alon na nabuo kapag ang isang bahagi ng tubig, tulad ng karagatan, ay mabilis nabago ng malakihan. Ang mga lindol, malaking pagkilos ng tubig, sa ibabaw man o sa ilalim, pagputok ng bulkan at iba pang uri ng pagsabog sa ilalim ng dagat, pagguho ng lupa, malaking pagtama ng kometa at pagsusubok ng mga kagamitang nukleyar sa karagatan ay maaaring makabuo ng tsunami. Ang epekto ng tsunami ay mapapansin at napakalala."




Ayon naman sa National Geographic sa mga malalakas na tsunami umaabot sa 100 talampakan o mga 10 palapag na gusali ang taas. Karaniwang nagsisimula ang malalaking tsunami kung lumindol sa ilalim ng karagatan o kaya'y may sumabog na bulkan na nasa ilalim ng karagatan.


Thursday, March 10, 2011

Magulang




Ka-chat ko kahapon ang isang barkada na sa ngayon ay Cebu-based na. Nagawi ang usapan kay Ombudsman Merceditas Gutierrez at naitanong niya kung bakit napakakapal ng mukha ni Merci.

Narito ang text ng chat namin: 

Barkada ko: Tol bakit ang kapal ng mukha ni Mercy? 

Ako: Ganun siya pinalaki ng magulang niya

Barkada ko: Si Gloria at Mike siguro magulang nya kaya ganun kakapal mukha nila

Ako: hahaha
Barkada ko: Tiyuhin niya sila Ligot, Garcia at si Suicide Boy, hehehe 

Ako: Suicide boy...ayuz...creative ka talaga 

Barkada ko: SLN tol,  SLN. RIP.
Totoong tayo ay produkto ng ating mga magulang. Hindi lamang ang ating pisikal na pangangatawan kungdi maging ang ating pag-uugali, pag-iisip at pananalita.
Kaya nga kapag may nilalait tayo at minumura ay sinisigawan nating Putang Ina Mo.

Getty Image
Malaki rin ang impluwensiya ng ating mga magulang sa ating pagkatao at ganoon din ang ating mga kaibigan. Kaya nga ang kasabihan ay sabihin mo sa akin kung sino ang mga kaibigan mo at sasabihin ko kung sino ka.

Kaya't hindi maikakaila na lahat halos ng naging kaalyado ni GMA noong siya ay pangulo pa ay nadawit sa iskandalo. Ikaw ba naman ang magkaroon ng iskandalosang presidente eh. Malamang maiskandalo pati gabinete.



Balik tayo sa usapan ng magulang.

Maraming nagsasabi na kung naitanim ng mga magulang natin ang mabuting asal sa ating pag-iisip, lalu na ng ating mga ina,  malaki ang tsansa na dadalhin natin ito saang larangan man tayo pumasok.

Kaya't malaki ang katanungan kung naisaksak ba ng erpat at ermat ni GMA at Merci ang mabuting asal sa kanila, na napakahalaga sa pagsisilbi sa mamamayan lalupa't sila ay nalagay sa pamamahala ng ating bansa.

Malamang hindi yong mga erpat at ermat nila ang mas may malaking impluwensiya sa kanila kungdi ang mga kanilang mga kaibigan o mga kasama sa buhay.

Ngayon sumaksak sa isipan ko kung bakit nagpakamatay si dating Gen. Angelo Reyes sa harapan ng puntod ng kanyang ina.

Nagpatiwakal siya dahil nahihiya na siya sa kanyang ina. Isipin mo nga naman nadawit ang pangalan ng buong pamilya. Nalusaw pa ang pangarap ng kanyang ina para sa kanyang pinakamamahal na anak.

Anuman ang dahilan, may isang hindi naituro ang kanyang ina, ito ay ang katapangan na harapin ang bunga ng ating mga aksyon. Tanggapin na kung may pagkakamali, may pagtatama.

Isa ito sa dapat matutunan ni GMA, Merci at iba pa nilang kakosa sa hinaharap. Ma-eErap din kayo!!!

 


Tuesday, March 8, 2011

Merceditas


Isa sa mga Merceditas na kilala ko ay si Merceditas Valdés (1928-1996), isang Cuban singer na ipinanganak sa Cayo Hueso sa Havana noong 14th October 1928.

At kabaliktaran ng isa pang Merceditas na kilala ko, itong si Valdes ay itinuturing na haligi ng musika sa Cuba.

Katunayan, si Valdes ay naging bahagi ng pagbabago sa Cuba, kung saan nakasama siya sa mga artistang sumuporta sa pagbabagong inihatid ni Fidel Castro.


 Kasama pa nga si Valdes, kilala sa kanyang Afro-Cuban style na mga awitin, sa isang compilation ng mga awitin para sa Cuban revolucion. Maliban sa compilation na ito ay bumuo rin sariling albums si Valdes na hinangaan noong kanyang kapanahunan.

Ngunit ang isa pang Merceditas na kilala ko ay ang pinakamalaking kabaliktaran ni Valdes.

 Siya ay si Merceditas Gutierrez, kaibigan at kaklase ni dating first gentleman Mike Arroyo, na siya namang asawa ni dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Kahapon ay tinanguan ng Committee on Justice ng House of  Representatives ang impeachment case laban kay Gutierrez at malamang na sa susunod na linggo, sa Lunes o Martes, ay bubusisin na ng plenaryo ang kasong kinakaharap ni Gutierrez at pagbobotohan upang isumite ito sa Senado.

Katulad ni Valdes, malamang na mapasama sa kasaysayan si Gutierrez, hindi nga lamang bilang tinitingalang bituing tulad ni Valdes kungdi ang kauna-unahang Ombudsman ng bansa na mai-impeach.



At kung saka-sakaling ma-impeach si Gutierrez, siya ay malamang na tugisin para sa mga kalapastanganang nagawa sa taumbayan, laluna ang kanyang paghadlang sa pagtugis sa mga kaalyadong sina Gloria, Mike at kanilang mga alipores sa loob ng militar, pulis, maging sina Jocjoc Bolantes at marami pang iba.

Kay ganda di ba?

Ngunit hindi pa tapos ang laban sakaling ma-impeach si Merci.

Ang kasunod kasi nito ay ang pagpili sa papalit sa kanya.

Kinakailangang walang papanigan, walang titingalain, walang pipiliing aasuntuhin ang bagong Ombudsman.

At dahil dito, kainakailangang bantayan ng taumbayan hindi lamang ang impeachment proceeding laban kay Merceditas, kungdi sa sinumang papalit sa kanya.

Kung hindi mangyayari ito, malamang mapunta sa wala ang lahat ng pagkilos laban kay Merceditas at sa hulihan ay wala na namang mapapala ang taumbayan.





Monday, March 7, 2011

Text blast


"It is unfortunate that VP Binay's effort to talk to Saudi govt about condition of our ofws has been sabotaged by the ill-informed report of Akbayan Cong. Walden Bello.  Akala ko ba kakampi kayo ni Pnoy?  Bkit nyo sinisira  ang relasyon ng Pinas at saudi at nilalagay sa alanganin ang hanapbuhay ng mga kababayan natin sa saudi." 


Tatlong beses akong nakatanggap ng text message nitong nakaraang linggo mula sa cellphone numbers 09177654158, 092772526015 at sa 09189999999.

Ang tawag dito ay text blasting o kung ito ay gagawain sa internet ay spamming. Dahil sa dami ng pinapadalhang numero, gumagamit ang mga nagte-text blast ng software upang sabay-sabay na maipakalat ang mensahe at maraming mapadalhan.

At dahil uso naman ang unlimited text ngayon, hindi gaanong kalakihan ang gastos nito bagamat marami ang pinapadalhang mga numero. Efficient di ba?

Magandang gamit ito upang makapagpakalat ng tsismis, disinformation at paninira ng tao.

Nagsimula lumala ang text blasting nitong nakaraang halalan. Kung ano-anong messages ang natanggap ko mula sa magkakaibang kampo. Akala ko ay tapos na ang text spamming na ito matapos ang halalan, pero hindi pa pala.

At kung totoo mang galing sa kampo ni Binay ang text blast na ito, hindi ako naniniwalang alam niya ito.

Hindi ako naniniwalang may kinalaman sa text blast na ito si VP Jejomar Binay.

Hindi kasi ito gawain ng isang Boy Scout.




Hindi gawain ng isang Boy Scout na manira ng ibang tao o kung pupuna man ay magtatago sa likod ng isang text message. Mataas at iginagalang si Binay sa mundo ng scouting sa bansa. Katunay kamakailan lamang ay pinarangalan siya nang ipangalan ang isang Philippine Eagle bilang Scout Binay.

Ang ikalawang dahilan kung bakit hindi ako naniniwalang magagawa ito ni Binay ay dahil isa siyang fratman. Katunayan ay isa siya sa kinikilalang elder ng Alpha Phi Omega (APO) dito sa Pilipinas.



At ang mga fratmen, kung nakikipag-away, hindi dinadaan sa text. Naghahagis na lang ng granada.

So kung hindi boy scout o hindi APO ang gumagawa nito, sino?

Malamang ito ay pananabotahe sa imahe ni Binay, na sa aking pagkakaalam ay nagnanais na makamit ang pinakamataas na posisyon dito sa ating bansa.

Kaya kung ako si Binay ay lilinisn ko ang aking bakuran. Sisiguraduhin kong walang supporter o tauhang makakasira sa kanyang imahe.

Dapat din siyang mag-ingat dahil malamang ang kanyang hanay ay napasok na ng mga kaaway.